Aabot sa 20,000 aplikante para sa transport network vehicle service (TNVS) registration ang tatanggapin ng Land Transportation Franchising and Regulatory (LTFRB) hanggang Enero ng susunod na taon.
Ito ang naging pasya kahapon ng LTFRB bunsod na rin ng kakaunting nagsumite ng application para sa Certificate of Public Convenience (CPC) ng TNVS units.
Ang naturang bilang ay nakapaloob sa master list na isinumite ng transport network companies (TNCs) sa ahensya.
Kabilang sa master list ang mga TNVS unit na accredited ng TNCs na humihiling na payagan muna silang bumiyahe habang nakabimbin ang paghahain nila ng application.
Paliwanag ng LTFRB, binibigyan ng pa nila ng hanggang Disyembre 15 ang mga nakapaloob sa master list upang makapag-apply sa para sa kanilang CPC o prangkisa.
Pebrero ngayong taon nang iminungkahi ng LTFRB na gawing 66,750 units ang dating common supply base nito na 47,500 na TNVS units sa Metro Manila, Metro Cebu, at Pampanga.
Gayunman, natuklasan na aabot lang sa 35,000 TNVS units ang mayroong CPC at Provisional Authority (PA).
-Alexandria Dennise San Juan