ILOILO CITY – Nasa balag na alanganin ang Philippine Drug Enforcement Agency-Region 6 (PDEA-6) kaugnay ng pagpapalaya umano nito sa apat na miyembro ng pinakamalaking drug syndicate sa Western Visayas, kamakailan.
Ito ay nang kuwestiyunin ni Police Regional Office 6 (PRO-6) director, Chief Supt. John Bulalacao ang naging desisyon ng PDEA-6 na pakawalan ang naarestong apat na miyembro ng Odicta drug ring na sina Cyril Regalado, Leo Regalado, at mag-asawang sina Arnulfo at Nilda Regalado, nitong nakaraang Biyernes.
Ang tatlong magkakapatid na Regalado ay kapatid ni Merriam Regalado, na asawa naman ni Melvin “Boyet” Odicta, Sr., na kapwa napatay sa drug operations ng mga awtoridad
dalawang taon na ang nakalilipas.
Paliwanag ni Bulalacao, nabigo ang PDEA-6 na magsumite ng mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa sana ng kaso laban sa apat, na nagresulta sa pagpapalaya sa mga suspek.
"Pinagduduhan natin ngayon ang PDEA," ani Bulalacao.
Nauna nang umani ng papuri ang isinagawang joint operation ng PDEA-6 at Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng PRO-6 nang dakpin nila ang apat na drug suspect, nitong Huwebes.
Paliwanag pa ni Bulalacao, sinabihan siya ni PDEA-6 Regional Director Emerson Margate na kaya sila nabigong makapagsumite ng kaukulang papeles sa city prosecutors’ office dahil nasirang photocopy machine.
Kaugnay nito, hiniling na rin ni Bulalacao sa PDEA Central Office na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon laban sa PDEA-6.
-Tara Yap