INAPRUBAHAN ng Kongreso nitong Miyerkules ang isang taong pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao hanggang Disyembre 31, 2019.
Unang idineklara ni Pangulong Duterte ang martial law noong Mayo 23, 2017, makaraang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng teroristang grupo ng Maute at ng Armed Forces of the Philippines sa lungsod ng Marawi. Sakop ng proklamasyon ang buong Mindanao, kabilang ang mga isla ng Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi, sa loob ng 60 araw. Makalipas ang isang linggo ay agad itong inaprubahan ng Kongreso.
Noong Hulyo 23, 2017, bumuto ang Kongreso pabor sa hiling ni Pangulong Duterte na palawigin ang martial law hanggang sa pagtatapos ng 2017. Habang noong Disyembre 13, 2017, ipinasa rin ang ikalawang pagpapalawig hanggang sa katapusan ng 2018. Sa nalalapit na pagtatapos ng taon, inaprubahan ng Kongreso nitong Disyembre 12, 2018 ang ikatlong pagpapalawig ng batas militar hanggang sa katapusan ng 2019.
Nang unang iproklama ang batas militar noong Mayo, 2017, nagkaroon ng buong pagtanggap ang lahat sa hakbang. Bagamat ang matinding labanan na kinasasangkutan ng puwersa ng mga dayuhan na kinilalang may kaugnayan sa ISIS ng Gitnang Silangan ay nasa Marawi City lamang, mayroong problema sa seguridad sa buong Mindanao, dahil sa iba pang armadong grupo katulad ng Abu Sayaf at mga rebeldeng Moro. Nananatili rin ang matagal nang rebelyon ng New People’s Army na ang mga puwersa ay nakakalat sa mga liblib na lugar ng rehiyon. Makatutulong ang batas militar sa paglaban ng pamahalaan laban sa mga grupong ito.
Bukod pa rito, kumpiyansa rin na ang probisyong itinatakda ng Konstitusyon ng 1987 ang magsasantabi sa anumang posibilidad ng pang-aabuso ng pamahalaan. Nakasaad sa Artikulo VII, Seksyon 18 ng Konstitusyon, na maaaring bawiin ng Kongreso ang proklamasyon ng martial law; maaari rin nitong palawigin ang panahon kung nananatili ang banta ng pananakip o rebelyon at kinakailangan ito para sa seguridad ng publiko.
Ang kapangyarihang ito ng Kongreso ay wala sa Konstitusyon ng 1935 sa ilalim ng panahon na nagdeklara si Pangulong Marcos ng batas militar noong 1972. Na ang pagpapatupad ng martial law ay ipinatupad sa pagtingin ng pagsisimula ng paglakas ng puwersa ng NPA. Ngunit lumala ito sa isang pamumunong authoritarian ng pangulo at sa pang-aabuso ng ilang militar, na humantong sa EDSA Revolution. Na nagbigay wakas sa pamumuno ni Marcos noong 1986, 21 taon matapos siyang unang ihalal sa Malacañang noong 1965.
Ngayon, nariyan ang mga panawagan laban sa muling pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao, kasama sa suspensiyon ng prebilehiyong writ of habeas corpus. Maaaring ang oposisyon ng ilan ay dulot ng pangamba o takot na ang unang martial law ay maulit muli.
Sa pagpapatuloy ng pamahalaan at militar sa ikatlong pagpapalawig ng martial law sa susunod na taon sa Mindanao, dapat tutukan ng mga lider nito ang pamamahala at kontrol ng mga awtoridad ng martial law, upang masiguro na walang magaganap na pang-aabuso tulad ng naranasan sa unang batas militar noong 1972.
Umaasa tayong magagamit sa mabuting paraan ng gobyerno at ng militar ang kapangyarihan ng martial law upang malutas ang maraming problema ng seguridad at rebelyon na laganap sa maraming bahagi ng Mindanao sa kasalukuyan.