KAMAKAILAN lang, muli na namang idinaos ang isang road safety forum na pinangunahan ng Bloomberg Initiative for Road Safety.
Ito na ang pangalawang pagkakataon na pinalad tayong maging bahagi nitong talakayang ito na may layuning itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng publiko sa lansangan.
Iba’t ibang sektor ang nakibahagi sa
talakayang ‘Kapit-bisig para sa Ligtas na Daan.’
Dumalo ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor tulad ng akademya, Department of Transportation (DoTR), Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), motorcycle clubs at media.
Maayos at sistematiko ang naging presentasyon ng mga lecturer sa sitwasyon sa mga lansangan sa bansa.
Sari-saring video rin ang ipinakita ng iba’t ibang grupo sa mga naganap na karima-rimarim na aksidente sa kalsada.
Kabilang dito ang ipinakita na video ni Assistant Secretary Elvira Medina ng DoTR kung saan isang pampasaherong bus ang nahulog sa Skyway at isang jeepney ang sumalpok sa paparating na bus sa La Union.
Maraming inosenteng buhay ang nasawi sa dalawang insidente.
Sa presentasyon ni Ginang Elvira, iginigiit nito ang importansiya ng pagpapalakas sa road accident investigation upang matukoy ang tunay na pinagmulan ng isang sakuna.
Aniya, karaniwang dahilan ng mga ‘imbestigador kuno’ ay brake failure o kaya’y human error.
Hindi po ba mistulang sirang plaka na ang awtoridad tuwing inihahayag ang dalawang ito tuwing may mangyayaring vehicular accident?
Mahiya naman kayo. Hindi ba senyales iyan ng katamaran o kabobohan?
Ang pakay ni Ginang Elvira ay madagdagan ang mga eksperto sa larangan ng road accident investigation sa iba’t ibang rehiyon ng bansa upang agad na makaresponde sa insidente.
Kung ito’y magkakatotoo, magiging kahalintulad ng road accident investigator ang papel ng mga Scene of the Crime Investigation (SOCO) ng Philippine National Police (PNP).
Ang SOCO team ay bihasa sa forensic science at hindi lang ‘saka-saka’ kung mag-imbestiga.
Hindi rin kataka-taka kung bakit nakalalapit ang mga ‘uzi’ o usisero sa mga bikitma ng aksidente at nawasak na saksakyan o ari-arian bunsod ng vehicular accident dahil sa kawalan ng police cordon.
Ilang beses na rin tayong nakarinig na nanakawan ang biktima sa akisdente ng wallet at cell phone ng mga walang pusong kawatan, na imbes na tumulong ay nagsamantala pa.
At kung magkakaroon ng matibay at kinikilalang sistema sa road accident investigation, malamang ay mawala na ang ganitong pangyayari.
Dahil nabubulabog ang mga ebidensiya sa lugar na pinangyarihan ng sakuna dahil sa naglipanang ‘miron,’ hindi rin matukoy ang tunay na dahilan sa insidente.
-Aris Ilagan