TALAGANG matigas si Sen. Antonio Trillanes IV, kritiko ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Siya ang lalaking may tunay na “balls” kumpara sa ibang lalaking senador na halata ng taumbayan na takot kay PDu30. Urong daw ang mga “yagbols”.
Noong Miyerkules, sinabi niyang handa siyang magpakulong kapag napatunayan ni Mano Digong na nakagawa ng katiwalian ang kanyang mga magulang sa pakikipagtransaksiyon sa Philippine Navy, maraming taon na ang nakalilipas.
Si Trillanes ay mahigit na pitong taong nakulong noong panahon ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo na ngayon ay Speaker ng Kamara, dahil sa kasong kudeta at rebelyon. Welcome sa senador na beterano sa bilangguan ang pahayag ni Pres. Rody na iniimbestigahan ang umano’y kuwestiyunableng government contracts ng yumaong ama at ng 84-anyos na ina na supplier noon para sa Navy.
Matatag na pahayag ni Trillanes: “In fact, I’ll raise the ante. If the president finds anything anomalous, again, I would voluntarily walk into any detention facility, even Davao.” Pinagsabihan niya ang Pangulo na sana’y magpakita man lang ng galit sa smuggling ng bilyun-bilyong pisong halaga ng illegal drugs (shabu) na nakalulusot sa Bureau of Customs (BoC), at ipag-utos niya ang manhunt sa mga drug lord.
Noong panahon ni Nicanor Faeldon sa BoC, may nakapuslit na P6.4 bilyong shabu na natagpuan sa isang bodega sa Valenzuela City. Hindi sinibak ni PRRD si Faeldon at inilipat sa Office of Civil Defense (OCD) sa Camp Aguinaldo. Siya ngayon ang hepe ng Bureau of Corrections (BuCor), kapalit ni Bato dela Rosa.
Nitong si ex-Gen. Isidro Lapeña ang BoC commissioner, nakalusot din umano ang P11 bilyong halaga ng shabu na laman ng apat na magnetic lifter na natagpuan sa GMA, Cavite. Gayunman, empty na ang mga lifter nang matuklasan ng mga tauhan ng PDEA. Hindi rin sinibak si Lapeña. Siya ay inilipat at hinirang na bagong puno ng TESDA.
Kapansin-pansin, sabi ng mga netizen at taumbayan, na kapag tauhan o pinuno ng militar at PNP ang sangkot sa anomalya at shenanigans, hindi sila sinisibak at kinakasuhan. Tulad ng dalawang opisyal ng Office of the Adviser on the Peace Process (OPAPP) na nasa ilalim ni Jesus Dureza na sinibak agad ni PRRD dahil umano sa kurapsiyon. Napilitang magbitiw si Dureza sa patakarang command responsibility.
Sabi nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Kasi ang dating mga heneral ay may impluwensiya pa sa mga kawal at pulis kung kaya sakaling maisipan nilang magrebelde at magkudeta, kaya pa silang pigilan ng mga retiradong pinuno.”
oOo
Tungkol sa drug war ni PRRD, sinabi ng PDEA na may 5,000 na ang napatay na drug pushers at users sapul nang maupo bilang presidente si Mano Digong. May 161,584 drug personalities ang nadakip sa 113,570 anti-drug operations.
Nagtatanong ang mga kababayan: Ilang drug lord at smuggler ang naitumba ng pulis at vigilantes sa bilang na ito? O karamihan ay ordinaryong mga tulak at adik lang ang naitumba dahil “nanlaban” samantalang ang mga panginoon ng droga ay humahalakhak patungo sa mga bangko para magdeposito ng limpak-limpak na salapi? Naniniwala ako na masidhi ang pagnanais ng ating Pangulo na masugpo ang salot na illegal drugs at terorismo. Kailangan ang tulong ng mga Pinoy!
-Bert de Guzman