Naglunsad ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) sa pananambang sa mga tauhan ng Moro National Liberation Front (MNLF)- Misuari group, na ikinasawi ng limang miyembro nito habang dalawa pa ang iniulat na nawawala sa Matalam, North Cotabato, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng Cotabato Provincial Police Office (CPPO), kinilala ang mga nasawi na sina George Dilangalen, 50; Tata Angeles, 25; Doring Panga, 40; Jomer Intol Sultan, 17; at Samsudin Dilangalen, 18.
Nawawala naman sina Datu Ali Sultan, 23; at Suharto Dilangalen, kapwa taga-Barangay Kibudoc sa naturang bayan.
Ayon kay Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng CPPO, nakasakay ang mga biktima sa dalawang motorsiklo mula sa kanilang bahay patungo sa kanilang sakahan.
Pagsapit sa Purok Ragsak sa nasabing barangay ay biglang pinagbabaril ng mga suspek ang mga biktima, gamit ang M14 at M16 Armalite rifles.
Agad na tumakas ang grupo, na pinangunahan ng isang Jojo Bejante, patungong bayan ng Matalam.
-Fer Taboy