‘DI maiwasang pumasok sa aking isipan ang kawawang kalagayan ng isang multi-awarded na retiradong operatiba ng Philippine National Police (PNP) na nakakulong ngayon sa Bicutan, sa nababasa kong balita hinggil sa ipinagmamalaking mga piyait na accomplishment ng ilang ahensiya ng pamahalaan, sa tuwing may nahuhuli silang Chinese nationals na illegal na nagsisipagtrabaho rito.

At lalong nagpuputok ang aking butse sa naririnig kong sagot ng ilang opisyal na kapag natatanong sa isyu ay

pilit itong pinaliliit, sa pamamagitan nang pagbibigay ng maling impormasyon hinggil sa laki ng problemang ito sa ating lipunan.

Hindi na ako magbabanggit ng pangalan ng mga opisyal at maging ng mga ahensiyang pumapapel sa isyung ito, dahil sa pagbusising gagawin ko, ay siguradong lalabas na may “namantikaan” sa mga ito – hindi lamang milyon kundi bilyong piso na dapat pumasok sa kaban ng bayan -- kaya pilit nilang pinagtatakpan o binabalewala ang problema.

Ang paniwala ko kasi, ang ilan sa mga “accomplishment” na ito – paghuli sa mga illegal na Tsino – ay parang mga operasyon lamang na gaya ng sa illegal gambling, na tuwing may bagong upong opisyal ng pulis ay kabi-kabila ang “operasyon pakilala” upang makapasok sa “weekly payroll” ng sindikado.

Ito ay batay sa nabasa kong briefing materials na pinamagatang “Anatomy and Dynamics of Interactive Online Gaming” – na sure ako na nabasa o napanood na rin ng ilan sa mga opisyal na aking tinutukoy na “pumapapel” sa isyung ito – na ang gumawa ay si retired Senior Supt. Wally Sombero, na nakasuhan ng plunder, isang “non-bailable” na kaso.

Napasok sa kontrobersiyang ito si Wally nitong nakaraang taon, nang lumutang siya sa pagkakaaresto ng 1,700 na Tsino na umano’y tauhan ng “Online Gaming” sa Fontana Resort sa Pampanga. Kasama siya sa mga nakasuhan dito dahil sa ginawa niya umanong panunuhol ng P50 milyon sa mga may hawak ng kaso.

Matapos kasing magretiro noong early ‘90s ay nangibang-bansa si Wally at nagpakadalubhasa sa “Online Gaming”. Nakita niya kasi – bukod sa malaking kita rito bilang isang negosyante -- ang bilyones na maipapasok nito sa kaban ng bayan, kaya pilit niyang ipinaglalaban na maging legal ito, upang ang pamahalaan ang makinabang at hindi ang iilang ganid sa pamahalaan.

Madalas siyang naimbitahan na magbigay ng briefing sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kaya nga pinangangatawanan ko na maraming opisyal na ang nakaaalam sa tunay ng estado ng nakatagong industriyang ito, pero nagtatanga-tangahan lamang dahil sa “namamatikaan” na sila mula sa bilyones na kinikita rito.

Nakakulong pa rin si Wally, samantalang ‘yung ibang nakasuhang opisyal na kasama niya sa kaso ay pinawalang-sala na.

Sa marathon hearing nitong nakaraang buwan sa Sandiganbayan, ay paulit-ulit na inamin ng mga tumestigong opisyal, na bahagi si Wally ng tinatawag nilang “Oplan Janus-Delta” bilang isang “Deep Penetrating Agent” o DPAsa “confidential operation” na naglalayong lipulin ang mga corrupt na opisyal, na nakikinabang ng milyones sa nakatagong operasyon ng “online gaming”.

Ayon sa report ni Wally, aabot na sa 250,000 ang mga Tsino na empleyado sa negosyong “Online Gaming” dito, na ang pinaka mababang suweldo ay P150, 000 cash.

Ito ang tanong ko– nabubuwisan ba ito? Kung hindi, kanino napupunta ‘yung ibinabawas sa mga suweldo nila? Ikalawa - P70,000 ang “working permit” bago makapag-umpisa ng trabaho, na sinasagot ng kumpanya na kumuha sa kanila.

Mabilis akong nagkuwenta at ito ang resulta –sa P70, 000 na “working permit” kada Tsino, lumalagapak na P17.5 bilyon ang dapat na nakolekta sa 250, 000 na mga Tsekwang nagkalat sa nagtatayugang condominium sa buong bansa. Saan ba ito napunta -- sa kaban ng bayan o sa bulsa ng iilan?

Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.