Magbubuo ng “Duterte Death Squad” (DDS) upang paigtingin ang kampanya ng pamahalaan laban sa insurhensiya.
Inihayag ni Pangulong Duterte nitong Martes na magtatatag siya ng sarili niyang hit squad upang asintahin ang kilabot na Sparrow unit ng New People’s Army (NPA).
Tatawagin ni Duterte na “Duterte Death Squad” ang bersiyon niya ng Sparrow unit, na tutugis sa mga NPA assassins na ayon sa kanya ay determinadong pumatay ng mga sundalo at pulis.
“One of these days, I’ll be forced also to create my own sparrow. Walang hanapin kung hindi mag—‘yung mga istambayan na mga tao d’yan, suspected NPAs at bibirahin rin sila,” sinabi ni Duterte sa harap ng tropa ng militar sa Camp Rajah Sikatuna sa Bohol.
“Kung makakuha ka lang ng isa, dalawa na maka-identify, ‘Iyan sir, kasama namin’, okay na ‘yan. I will match their talent also for assassinating people,” dagdag ni Duterte.
Inihayag ni Duterte ang nasabing plano kasunod ng mga ulat na muling naging aktibo ang NPA Sparrow unit, na unang nakilala noong huling bahagi ng 1980s.
‘SHOOT TO KILL’
“I’m trying to make peace with them (NPA), ayaw nila. Tapos pinagpapatay ‘yung mga pulis, pati sundalo ko,” sabi ni Duterte.
“Ngayon ang kulang talaga is ang Sparrow ko rin. Iyan lang man—d’yan lang man sila makalamang. Sa bukid, fight man ‘yan. So mag-create ako ng Sparrow. Duterte Death Squad against the Sparrow,” dagdag ng Pangulo.
May direktang utos din si Duterte sa mga sundalo laban sa mga rebeldeng pumapalag sa pagdakip: “If they resist violently, ang standard... if you think if your life is in danger, shoot.”
‘CANNOT BE DONE’
Gayunman, kinontra ng mismong ang pinakamalapit na kaalyado ng Pangulo na si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ang nasabing plano ni Duterte, at sinabing imposible ito.
“That cannot be done. I’m sure the President will not create one such squad,” sabi ni Pimentel, isang abogado.
Nababahala naman si Senator Grace Poe sa planong pagbubuo ng DDS, habang naniniwala si Sen. Panfilo Lacson na hindi seryoso si Duterte sa binabalak nito.
“Again, it’s up to us the interpret if he was serious or not when he made that statement. Being a lawyer and former prosecutor, I don’t think he was serious because he knows it’s illegal and criminal to do perform such an act,” ani Lacson.
Iginiit naman ni Sen. Antonio Trillanes IV na ipantatakip lang ni Duterte ang DDS sa mga kapalpakan nito bilang lider.
“First, he wants to strike fear again in the hearts and minds of the Filipinos by forewarning that there would be another round of killings. He is doing this because he feels that he is losing his grip on power and that fear is his only way to keep people in check,” ani Trillanes.
Ikalawa, aniya, nais umano ng Presidente na lokohin ang International Criminal Court (ICC) at palabasin na ngayon pa lang nito bubuuin ang death squad, para hindi masisi sa libu-libong napatay sa drug war; at nais din umano ng pamahalaan na ilihis ang atensiyon ng publiko mulla sa mga kasunduang pinasok nito sa China.
-Genalyn D. Kabiling, Vanne Elaine P. Terrazola, at Leonel M. Abasola