MARAMING natuwa nang pagbukas nila ng GMA News TV nitong Lunes na DZBB Radyo Na TV Pa ay bumulaga sa kanila ang Kapuso News Anchor na si Mike Enriquez. Wala kasi silang abiso na magbabalik na si Mike, na tatlong buwan ding hindi napanood sa TV dahil sumailalim siya sa heart by-pass operation.

Sunud-sunod ang text messages at marami ang nag-post ng welcome back greetings sa Twitter para kay Mike na labis niyang pinasalamatan.

Nagbigay siya ng mensahe sa mga listeners at televiewers tungkol sa naging sakit niya, at payo ni Mike, dapat ay laging makikinig sa mga doktor, lalo na sa mga ipinapayo nila. Kailangan din daw na pakinggan ang ating katawan dahil tayo ang higit na nakakaalam kung ano ang ating nararamdaman at sakaling may maramdaman ay agad na magpakonsulta sa doktor. Hindi naman nagtagal sa programa si Mike at nagpaalam rin muna.

Naging mainit din ang pagtanggap kay Mike nang sumalang na siya sa 24 Oras kinagabihan. Isa sa segment sa newscast ang Imbestigador ng Bayan kung saan gabi-gabi siyang nagbibigay ng mga update sa mga isinusumbong sa kanya at nagbibigay din siya ng kalutasan.

Janno Gibbs nakikipogi kina Paulo Avelino, Aga Muhlach

Kita kay Mike na naging very successful talaga ng kanyang heart bypass at ang doktor pa raw niya ang nagtanong kung ayaw pa ba niyang bumalik sa TV.

Maligayang pagbabalik, Kapuso Mike Enriquez!

-NORA V. CALDERON