Dear Manay Gina,

Hello po. Ang ihihingi ko po ng payo ay may kaugnayan sa best friend ko na namatayan ng tatay. Parang kapatid kasi ang turing ko sa kanya kaya gusto kong makatulong sa panahong ito ng kanyang buhay.

Noon pong dinalaw ko siya sa lamay, grabe talaga ang hagulgol niya. Pero laking gulat ko nang huminto siya at biglang nagkuwento tungkol sa ibang topic. Iginalang ko naman ang gusto n’ya at tahimik lamang na nakinig. Naisip ko, siguro, ‘yun ang paraan niya para mapaglabanan ang lungkot na dulot ng pagkaulila sa ama. Nung nagkita po kaming muli sa school, wala naman siyang binanggit tungkol sa kanyang ama at sa kanyang kalungkutan. At kung kumilos s’ya ay parang ok lang naman ang lahat sa buhay nya. Tanong lang po, normal ba sa naulilang anak yung ikinikilos ng aking kaibigan? Alam kong hanggang ngayon ay grabe ang kalungkutan niya at gusto ko siyang damayan. Hindi ko lang po alam kung paano.

Irene

Dear Irene,

Napakabuti mong kaibigan sa ginawa mong paghingi ng payo para madamayan nang tama ang iyong best friend. Kung maganda ang relasyon niya sa kanyang ama, mahabang panahon ang itatagal ng kanyang nadaramang lungkot. Karaniwan, na ang kalungkutang dulot ng namatay na minamahal ay umaabot ng tatlo hanggang limang taon, depende sa tindi ng pagmamahal sa namatay. Pero isang bagay ang sigurado ko, ang lungkot dulot ng pagkawala ng isang minamahal ay hindi nawawala nang tuluyan. Sa halip, matututo lamang tayong mabuhay, kaakibat ang sakit na iyon sa ating puso.

Bilang kaibigan, palagay ko’y tama ka sa pag-iisip na ito ang istilo ng iyong best friend para labanan ang hapdi ng kawalan ng ama ---- ang hindi pagharap sa kanyang sitwasyon para mairaos ang pang-araw-araw na buhay. Kung ganito ang istilo niya, hindi niya ikakatuwa ang magiging pag-ungkat mo sa pagkamatay ng kanyang ama. Sa halip, ipaalam mo na lamang sa kanya na iginagalang mo ang desisyon n’yang ‘wag munang pag-usapan ang kanyang tatay, pero siguruhin mong alam niya na nariyan ka sa tabi niya at handang makinig at sumuporta sakaling magbukas siya ng puso tungkol sa kanyang pighati..

Nagmamahal,

Manay Gina

“The friend who can be silent with us in a moment of despair or confusion, who can stay with us in an hour of grief and bereavement, who can tolerate not knowing... not healing, not curing... that is a friend who cares.” --- Henri Nouwen

Ipadala ang tanong sa [email protected]

-Gina de Venecia