NOON, matindi ang pag-ayaw ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na dadalaw siya o yayapak sa lupain ng imperyalistang United States. Ngayon, parang nag-iba ang ihip ng hangin (‘di kaya dahil sa climate change?) sanhi ng nakatakdang pagsasauli ng makasaysayang Balangiga bells na tinangay ng mga sundalong Amerikano noong 1901 bilang “war booty”.
Kilala ito sa tawag na Balangiga Massacre na tinatayang may 2,000 mamamayan ng Eastern Samar ang pinatay ng mga Kano, bilang paghihiganti sa pagkamatay ng 48 tauhan ng US Infantry 9th Division sa biglaang paglusob ng 500 residente ng Balangiga, Eastern, sa pamumuno ni Valeriano Abanador.
Sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na labis ang kasiyahan ni Mano Digong matapos malaman na isasauli ng US ang mga kampana ng Balangiga kung kaya payag na siyang yumapak sa lupain ni Uncle Sam na labis niyang kinaiinisan.
Ang Balangiga bells ang ginamit ng mga Pilipinong “insurektos” sa pagkalembang bilang hudyat sa pag-ambush sa US calvary. Ang pagpapatunog sa tatlong batingaw o kampana sa simbahan ng Balangiga, Eastern Samar, noong Setyembre 28,1901 ang nagsilbing hudyat sa Filipino villagers upang salakayin ang US troops na ikinamatay ng may 48 kawal-Amerikano.
Tinangay ng mga Kano ang mga kampana bilang paghihiganti sa masaker ng mga kawal. Inutos ni Gen. Jacob Smith sa US troops na gumanti at patayin ang mga kalalakihan na ang edad ay mula 10-anyos pataas.
oOo
Humingi na ng apology si ex-First Lady at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda R. Marcos sa pagkabigong dumalo sa promulgasyon ng hatol na graft charges laban sa kanya. Binanggit niyang dahilan ang maraming sakit-- pitong lahat kung kaya hindi siya nakadalo. Hiniling niya sa hukuman na payagan siyang makapag-post ng panibagong bail bond at reconsideration na huwag siyang ikulong.
Sinabi ng 89-anyos na ginang ni ex-Pres. Marcos, siya ay may sakit noong Biyernes kung kaya hindi siya nakalitaw sa Sandiganbayan. Pinagbibintangan siyang nagkamal ng maraming salapi at naglagay ng may $200 milyon sa Swiss banks.
oOo
Mula sa Singapore, sinabi ni PRRD na dahil halos lahat sa West Philippine Sea ay pag-aari o okupado na ng China, dapat itong tanggapin ng US at ibang mga bansa upang maiwasan ang anumang “friction” na maaaring maging simula ng full-scale military confrontation.
Ang ating Pangulo ay dumalo sa 33rd ASEAN Summit kasama ang iba pang mga lider. “So if you keep on creating friction, little friction, one day a bad miscalculation could turn things... Murphy’s law-- if anything go wrong, it will go wrong.” Samakatuwid, surrender na ang ating Presidente sa China kahit ang mga reef at shoal na sakop ng ating teritoryo, ay inookupahan na ng bansa ni Chinese Pres. Xi Jinping.
Si Pres. Xi ay nakatakdang dumating sa Pilipinas sa Nobyembre 20-21. May nagtatanong kung ipamimigay nang talaga ni PDu30 ang ating mga teritoryo sa dambuhalang China sa katwirang walang kakayahan ang bansa laban sa dambuhalang China. Andres Bonifacio, Gen. Gregorio del Pilar, Gen. Miguel Malvar, Macario Sakay at iba pang mga Heneral, nasaan na kayo?
-Bert de Guzman