Idinepensa kahapon ni Senator Grace Poe ang top-rating na teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsiyano” makaraang batikusin ni Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde ang umano’y “unfair” na paglalarawan ng palabas sa mga pulis bilang masasamang tao.

Matatandaang tinuligsa ni Albayalde ang pagganap ng PNP chief sa serye, na ginagampanan ni Soliman Cruz, bilang tiwali at brutal na opisyal ng pulisya na gumagamit sa pondo ng PNP upang wasakin ang vigilante group na Vendetta, na pinangungunahan ng bidang si Coco Martin.

“It gives us a bad impression actually. It’s a bit unfair for the PNP when you portray such activity that doesn’t really happen within our organization,” giit ni Albayalde.

Inihayag din ni Albayalde na kakausapin niya ang production team ng serye at ang Movie and Television Review Classification Board (MTRCB) kaugnay ng kanyang reklamo.Gayunman, sinabi ni Poe na kathang-isip lang ang serye at “carved out of the creative minds of the people behind the production.”

National

Bagong kurikulum ng DepEd, ipatutupad sa S.Y. 2025-2026

“How the people view the police is based on the actions of the real police they see on the streets, and not on the acting of fictional cops they watch on screen,” ani Poe. “May mga kontrabida sa kuwento: hindi lamang pulis kundi iba pa. Puwede nating sabihin na ‘bato-bato sa langit, tamaan ay ‘wag magalit’.”Ang serye ay ibinatay sa pelikulang “Ang Probinsyano”, na pinagbidahan ng ama ng senadora, ang yumaong si Fernando Poe, Jr., noong 1997.

Bago pa man idinepensa ni Poe ang serye, sinegundahan ni Senator Panfilo Lacson ang naging pahayag ni Albayalde laban sa palabas.

Pinaalalahanan pa ni Lacson ang mga nasa likod ng serye na bawal ang paggamit ng mga uniporme ng PNP sa mga pelikula o teleserye.

“Bawal sa batas iyan. Bakit ka magsusuot ng uniporme kung hindi ka pulis? I think it’s unfair to portray the PNP na parang ganoon,” sabi ni Lacson, dating PNP Chief.

-Vanne Elaine P. Terrazola at Leonel M. Abasola