PAMINSAN-MINSAN, tinatalakay ko rito ang mga adbokasiya at programa ni Albay Rep. Joey Salceda sapagkat makatotohanan at dapat suportahan ang mga ito. Dalawa sa mga ito ang ‘climate change adaptation and mitigation’ at ang libreng matrikula sa kolehiyo na matagumpay niyang pinasimulan sa Albay noong gobernador pa siya.
Itinutulak ng ‘climate change adaptation and mitigation’ ang kaisipang kaya ng mga Pinoy na panaigan ang mga kalamidad sa pamamagitan ng pagtanggap sa realidad, paghahanda sa unos, at pagsasagawa ng mga positibong hakbang upang panaigan ang mga ito. Isang pangunahing mekanismong panlaban sa pananalasa ng mga kalamidad ang paglikha ng isang matibay at mabisang Department of Disaster Resilience, na malapit nang maisakatuparan.
Pangunahing layunin naman ng libreng matrikula sa kolehiyo ang palawakin ang ‘middle class’ ng ating lipunan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kabataan na makatapos ng kolehiyo at magkaroon ng mga kahusayan. Pinasimulan niya ito sa Albay na pinonduhan ng isang utang sa Land Bank. Sa loob ng siyam na taon, nakatapos ng kolehiyo ang libu-libong kabataang Albayano, na nagresulta sa mahigit 50% pagbaba ng bilang ng mga naghihikahos sa Albay sa kabila ng madalas na pagbugbog dito ng malalakas na bagyo. Pinakikinabangan na ngayon ng milyung-milyong estudyante sa mga pampamahalaan at pribadong kolehiyo at vocational institutions sa bansa ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na nilikha ni Salceda.
Katuwang ng libreng matrikula ang Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na hango sa mga Latin American modelo. Binalangkas ito ni Salceda noong presidential economic adviser siya ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Binabatikos ito ng ilan dahil itinataguyod umano nito ang pamamalimos, ngunit sa ‘macro-economic’ na pananaw, tunay itong mabisa, kaya lalo pa itong pinalawak ng mga pamunuang Aquino at Duterte. Mabisang mekanismo ang naturang dalawang programa sa pagpapalawak ng ating ‘middle class’.
Sa kabila ng matagumpay niyang mga pinasimulan, higit na nais ni Salceda na manatili sa kanyang pinanggalingan. Tinanggihan niya ang ilang alok na puwesto sa gabinete at mga mungkahing tumakbo siya sa mas mataas na katungkulan. Ngayong wala na naman siyang kalaban sa kanyang distrito, nangako siyang isusulong niya ang mas mataas na antas na planong “Albay 2.0,” na naglalayong “lalong palawakin ang edukadong ‘middle class’ ng Albay, lalong bawasan ang kahirapan at burahin gutom at malnutrisyion sa lalawigan.”
Sinabi niya na “Albay 2.0” ang kandidato at kinakatawan lamang niya ito. Kay Salceda, hindi nga mamamali ang mga Albayano at Bicolano na nakikinabang sa kanyang mga programang isinusulong.
-Johnny Dayang