Nais ng mga awtoridad na ipagbawal na ang pagdaan ng mga bus sa elevated parts ng Skyway system sa Metro Manila.

Ayon kay Toll Regulatory Board (TRB) Spokesperson Bert Suansing, ito ay dahil na rin sa patuloy na pagsuway ng mga naturang bus sa ipinatutupad na speed limit sa Skyway, na 80 kilometers per hour (kph).

Sinabi ni Suansing na sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng penalty para sa mga bus driver na lumalabag sa speed limit, na lubhang mapanganib para sa mga pasahero ng mga ito at ng iba pang mga motorista, marami pa rin ang lumalabag dito.

Marami rin aniyang mga bus driver ang nag-o-overtake sa kanan, na mahigpit ding ipinagbabawal sa Skyway.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Madalas mas mabilis pa sa 80 kilometers per hour ang tinatakbo nila. Hindi lang ‘yun, mapapansin mo na kung minsan nag-o-overtake sila sa kanan,” sinabi ni Suansing sa isang panayam sa radyo.

Sa ngayon naman, aniya, ay nagsasagawa pa ng simulation ang TRB upang matukoy ang magiging epekto ng pinaplanong bus ban sa Skyway.

-Mary Ann Santiago