MABIBILANG ang mga dakilang basketball players sa bansa na may sariling bantayog. At kabilang sa napagkalooban ng parangal si PBA great Avelino ‘Samboy’ Lim.
Ibinigay ng Valenzuela city government, sa pamamagitan ni Rep. Eric Martinez, ang natatanging parangal at pagbibigay ng dangal sa itinuturing ‘Skywalker’ , sa ipinatayong NBA-theme basketball gym kung saan sentro ng atraksiyon ang bantayog ng dating National team star player.
Sinaksihan ng kanyang mga kaanak at kaibigan, sa pangunguna ni Allan ‘The Triggerman’ Caidic, isa ring alamat sa PH basketball, ang paglalahad ng bantayog na magsisilbing buhay na patotoo sa kadakilaan sa basketball ni Samboy.
Nakiisa rin sa programa sina dating PBA player and Valenzuela official Gerald Esplana, gayundin ang dating maybahay na si Darlene Marie Berberabe at anak na si Jamie Christine.
“I just thanked Congressman Martinez for the tribute to our friend Samboy and expressed hope that Samboy can be an inspiration to the youth of Valenzuela,” pahayag ni Caidic, nagsilbing special guest sa programa.
Hindi matatawaran ang husay ni Lim, kabilang sa ‘Greatest Player’ sa PBA. Sa edad na 56, nananatilis iyang nasa-coma matapos mag-collapse habang nagpapahinga sa bench sa isang aktibong laro ng PBA Legend noong Nobyembre 28, 2014.
Inamin ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela na plano rin nilang itayo ang bantayog ang iba pang basketball legend tulad nina Caloy Loyzaga, Mon Fernandez, Robert Jaworski at Caidic.