DEAR Manay Gina,
Nakakalungkot isipin, pero ako po ay naiinggit sa mga dati kong ka-batch noong high-school. Sa tingin ko kasi ay parang mas ismarte sila kaysa akin. Kasi po, ‘yung isa ay doktor na, marami na ring yumaman, mayroon ding nagbubukid pero yumaman po sila, habang ako ay isang ordinaryong empleyado. Wala din ho akong special talent dahil hindi ako marunong sumayaw, kumanta at hindi rin ako magaling magsalita. Ano kaya ang puwede kong gawin para kahit paano ay magbago naman ang buhay ko?
Malou
Dear Malou,
Huwag mo namang masyadong maliitin ang iyong sarili. Marahil ay hindi mo pa natutuklasan ang iyong nakatagong talino. Bakit hindi mo subukang gawin ang mga bagay na hindi mo pa nagagawa, gaya ng pagpipinta, paglalaro ng golf o kahit anong laro, pagluluto, pagtugtog ng gitara o kahit anong instrumento.
Minsan kasi, ‘yung mga gawain na hindi mo sinusubukang gawin dahil hindi mo gusto ang siya palang magpapatingkad sa iyong talino.
Ang isang bagay na puwede mong gawin, na hindi ka magkakamali, ay ang paglalaan mo ng panahon para tumulong sa kapwa. Kung magiging matulungin ka, tiyak na tatanggap ka ng papuri mula sa ibang tao. Pangalawa, magbibigay ito sa ‘yo ng sense of purpose.
Tungkol naman sa pagyaman, alam mo, may kahalong suwerte ‘yan e. Pero, lahat ng kilala kong mayaman ay may isang katangian, lahat sila ay matiyaga. Alam mo, ‘yung nagtatag ng IKEA---isang sikat na kumpanya na nagtitinda ng magagandang muwebles, si Ingvar Kamprad, ay minsang naging door-to-door salesman, na nakasakay lamang sa kanyang bisikleta at nang lumaon ay nag-alaga pa ng mga isda.
Ibig kong sabihin, bagama’t mainam na alam natin ang ating limitasyon, bago tayo sumuko at sabihing failure nga tayo ay mahalagang subukan muna natin ang maraming gawain, hanggang makamit natin ang tagumpay.
Nagmamahal,
Manay Gina
“The most important thing is to enjoy your life—to be happy—it’s all that matters.” ― Audrey Hepburn
Ipadala ang [email protected]
-Gina de Venecia