WBO, nagbigay ng suporta sa Philippine boxing

MAGING ang World Boxing Organization (WBO) ay haligi na handang sumuhay sa Philippine boxing.

Ikinalugod ni Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham “Baham” Mitra ang ipinahatid na tulong ng WBO sa programa ng ahensiya para mapataas ang kalidad ng sports sa bansa.

Kasama ni Mitra, dating Palawan Governor at Congressman, ang pamosong Pinoy promoter na sina Liza Elorde at Kenneth Rontal sa pagdalo sa 31st Annual Convention nitong Oct. 29-Nov. 2 sa Panama City.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ayon kay Mitra, ikinasa ng WBO, sa pangunguna nina WBO president Francisco Varcarcel at vice president Leon Panoncillo, ang mas maigting na programa para sa mas matibay na ugnayan ng WBO at Filipino boxing community.

“The Filipino delegation, headed by GAB Chairman Abraham “Baham” Mitra achieved total success in its participation in the WBO Convention that took place in the beautiful Latin American nation of Panama,” pahayag sa ulat ng Philboxing.com.

Sa naturang pagpupulong, hiningan ng Mitra ng direktang kasagutan sa WBO ang ilang importanteng i syu tulad ng kontrobersyal na desisyon sa panalo ni Jeff Horn kontra Manny Pacquiao sa WBO world title fight noong 2017 sa Brisbane, Australia kung saan natalo via unanimous decision si Pacquiao.

Dumalo rin sa pulong sina GAB ring officials Danrex Tapdasan, Edward Ligas at Philboxing administrator Dong Secuya.

Ipinaglalaban naman ng Elorde’s ang ratings ng mga Filipino boxers, gayundin ang mas matibay na ugnayan sa international sanctioning body.

Sa naturang pulong, senulyuhan ng WBO ang super flyweight world title fight sa pagitan nina Filipino Donnie Nietes at Japanese Kazuto Ioka sa Macau sa Disyembre.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang delegasyon ng bansa na makapulong si Panama boxing legend Roberto “Hands of Stone” Duran.

Ni Edwin Rollon