Magpupulong ngayong Lunes ang Department of Health (DoH) at Food and Drugs Administration (FDA) kaugnay ng pag-regulate sa vape o e-cigarettes, kasunod ng pagkakasugat ng bibig ng isang 17-anyos na lalaki na nasabugan nito noong Oktubre 30.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang FDA ang nagre-regulate sa mga naturang produkto bilang medical products dahil sa taglay nitong nikotina, ngunit hanggang ngayon ay wala pang device o e-liquids na rehistrado o napag-aralan ng FDA para tukuyin ang kaligtasan, efficacy, at kalidad nito.

Tiniyak din ng kalihim na iniimbestigahan ng Do Hang naturang insidente upang matukoy ang tunay na dahilan sa pagsabog ng vape, at kung paano ire-regulate ang paggamit dito.

Kamakailan, isang binatilyo ang nasabugan ng vape sa bibig matapos umanong makipag-swap ng baterya nito sa isang nakilala sa social media.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Naka-confine ang binatilyo sa East Avenue Medical Center (EAMC) dahil sa tinamong mga sugat sa labi, oral mucosa, palate, at dila, bukod pa sa sunog at hematoma sa mga talukap ng mata.

Nag-deactivate na ng account ang nakipag-swap ng baterya ng vape sa binatilyo, matapos ang insidente.

Kaugnay nito, hinikayat ng DoH ang publiko na maging maingat sa pagbili online ng mga produktong tulad ng e-cigarettes at vaping devices, na battery-operated.

Binigyang-diin din ng DoH na ang mga naturang device ay hindi laruan at nagtataglay ng “concomitant health at safety hazards”.

Hinikayat din ng DoH ang mga medical practitioner, mga ospital, at ang publiko na i-report ang mga pagkasugat at aksidente na may kinalaman sa paggamit ng e-cigarettes at vapes sa hotline nitong (02)711-1001-02.

-Mary Ann Santiago