Iginiit ni Senator Grace Poe na dapat na ayusin muna ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang serbisyo nito bago magtaas ng terminal fee.
Ito ang naging reaksiyon ni Poe makaraang madiskubre sa pagdinig ng Senado sa pagsadsad ng eroplano ng Xiamen Airlines sa NAIA ang planong pagtataas ng NAIA ng terminal fee sa 2019.
“Sabi nga ng mga stranded na pasaherong tumestigo sa ating pagdinig, ni hindi raw gumana ang sound system ng NAIA nang maayos, wala man lamang makapagsabi sa kanila kung ano ang boarding time at saan ang boarding gate nila noong mga panahon na iyon,” sabi ng senadora.
Wala rin aniyang linaw kung ano ang ginagawa sa umiiral na terminal fee sa NAIA bukod sa milyong-halaga ng mga terminal fees na dapat naibalik sa mga pasahero.
Kaugnay nito, sinimulan na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang public hearing sa panukalang magtaas ng terminal fee sa paliparan.
Aminado si MIAA General Manager Ed Monreal na nais nilang itaas sa P300 ang P200 na terminal fee sa domestic flight, habang gagawin namang P750 ang P550 para sa international flight.
Una nang napagkasunduan ng MIAA Board na ipatupad ang pagtataas ng terminal fee sa Abril 2019.
-Leonel M. Abasola at Ariel Fernandez