ALAXAN nga, please!

Nagmamadali akong nagtungo sa isang botika bago ang aming flight patungong Tacloban City nitong nakaraang Biyernes.

Nangingirot pa ang aking katawan mula sa mahabang biyahe na halos umabot ng 600 kilometro mula Maynila hanggang Baler, Aurora at pabalik dalawang araw bago ang aking Tacloban City trip.

Nananakit ang aking buong katawan dahil kami’y sakay ng big bike patungo sa Baler.

Hindi namin maikakaila na mas masarap ang biyahe na naka-motorsiklo dahil dama namin ang sariwang hangin sa aming ruta.

Nandiyan din ang challenge sa pagmamaneho ng motorsiklo sa mga lugar na matrapik at maraming sagabal sa kalsada. Ito ang tunay na adventure, ika nga.

Ngunit ang kapalit nito ay ang sakit ng katawan, lalo’t na’t hindi na ako bumabata.

Ako ay mapalad na naimbita ng Yamaha Philippines para makibahagi sa Yamaha Tour de Rev-Visayas leg.

Ang programang ito ay isang pamamaraan ng higanteng Japanese motorcycle company upang pasalamatan ang mga owner ng Yamaha motorbikes at dahil din sa kanilang pagiging tapat sa Yamaha brand.

Nitong mga nakaraang buwan, ako’y naging bahagi rin ng Tour de Rev-Luzon at Tour de Rev-Mindanao kung saan tinamasa namin ang magagandang tanawin, masasarap na pagkain at hanep na pakikisama ng mga residente sa dalawang rehiyon na ito.

Bukod sa naitataguyod ang riding safety sa inisyatibo ng Yamaha, naisusulong din ang moto tourism na malaking tulong sa ekonomiya ng mga munisipalidad at siyudad sa malalayong lugar.

Isang malaking prebilehiyo ang pagkakaroon ng pagkakataon na maikot natin ang Pilipinas at makita ang likas na yaman nito na hindi kayang pantayan ng ibang bansa.

Subalit higit dito, naging emosyonal din para sa akin ang Tour de Rev- Visayas dahil nabisita ko ang Samar at Leyte na sinalanta ng Super Typhoon Yolanda noong Nobyembre 2013.

Tandang-tanda ko pa ang mga news report na nagpakita kung paano halos nabura sa mapa ang maraming baybaying lugar ng dalawang lalawigan na ito, dahil sa lakas ng hangin at biglang pagtaas ng tubig dulot ng Yolanda.

Libu-libo ang namatay sa insidente. Sa aking pananaw noon, mahihirapang makabangon pa ang mga nasalantang lugar ng super typhoon.

Nitong nakaraang araw, bigla kong kinain ang aking mga binitawang salita.

Bumalik na sa normal ang kabuhayan at kaayusan sa Leyte at Samar.

Maayos na at malinis ang mga kalsada, at kakaunti na lamang ang mga bakas ng pananalasa ng bagyo tulad ng mga nasirang bahay at imprastraktura.

Para sa mga taga-Samar at Leyte, saludo ako!

-Aris Ilagan