DEAR Manay Gina,

Ang anak ko pong lalaki ay gay at napansin ko na parang siya ay may inferiority complex. Marahil, ito ay sa dahilang limitado lamang ang pakikisalamuha niya sa mga ka-edad n’yang kabataan. Sabi po kasi niya, parang mababa raw ang tingin sa kanya ng iba dahil siya ay gay. Ano po ang magandang gawin sa bagay na ito?

Loi

Dear Loi,

He is what he is, at wala namang masama doon. Payuhan mo siya na irespeto ang kanyang sarili, ang kanyang katangian at mag-ingat sa kanyang mga desisyon.

Nakalulungkot, pero hindi natin kayang kontrolin ang ugali ng ibang tao. Ang totoo niyan, kahit ano ang gawin niya, hindi rin siya magugustuhan ng lahat, at siya ay ganu’n din. May mga makikilala rin siyang tao na hindi niya magugustuhan. Para malabanan ang diskriminasyon, mahalaga na iwasan n’ya ang mga taong mapanlait. Kapag kasi lagi nating nadidinig na tayo ay hindi mabuti o magaling, malamang na maapektuhan din tayo at maisip na baka hindi nga tayo magaling. Pinakamaganda n’yan, umiwas s’ya sa mga taong negatibo ang trato sa kanya. Sa halip, ang samahan niya ay ang mga taong nagmamahal at may tiwala sa kanya, gaya n’yo na kanyang pamilya. Sa ganoong paraan, mas bibilib siya sa kanyang sarili at mas magiging confident siya sa kanyang katangian.

Sabihin mo rin sa kanya na iwaksi ang kaisipan na hindi siya mahusay na tao. Sa halip, iukol niya ang atensiyon kung paano mas tatalino at mas magiging mahalagang miyembro ng ating lipunan. Tandaan mo, everybody loves a winner.

Nagmamahal,

Manay Gina

“In the long run, there is not much discrimination against superior talent.”

--- Carter G. Woodson

Ipadala ang tanong sa [email protected]

-Gina de Venecia