AYON kay Pangulong Duterte, si Guban ang nagpalusot ng kontrabando at pineke ang ID. Si Guban na tinukoy ng Pangulo ay si Jimmy Guban, dating customs intelligence officer, at ang kontrabando ay ang mga magnetic lifters na natunton sa GMA, Cavite.
“Kaya ipinaaresto ko si Guban pagkatapos ng House Session,” bahagi ng talumpati ng Pangulo sa Malacañang, hinggil sa kasamaan ng kurapsiyon at pangingikil sa gobyerno. “Kapag ginawa mo ito, niloloko mo ako,” dagdag pa niya.
Hindi lang niloloko, naloko nga siya. Nang salakayin ng awtoridad at mga ahente Bureau of Customs (BoC) at National Bureau of Investigation (NBI) ang warehouse sa GMA, Cavite, nahanap nila ang apat na magnetic lifters. Kawangis ng mga ito ang dalawang magnetic lifters na nasabat nila sa Manila International Container Terminal, na naglalaman ng shabu na may halagang P3.4 bilyon. Nang madiskubreng walang laman ang apat na magnetic lifters, base sa pag-eeksamin ni Director Aaron Aquino, ang mga ito ay ginamit para maipuslit ang shabu sa BoC. Naging matibay ang paniniwala ni Aquino na pinaglagyan ng shabu ang mga magnetic lifters dahil pinatunayan ito ng mga sniffing dog at iba pang uri ng ebidensiya. Kaya, matapang niyang ideneklarang pinaglagyan ng droga ang apat na magnetic lifters. Pero, kinontra ito ni dating Customs Commissioner Isidro Lapeña. Walang laman ang mga ito at hindi pinaglagyan ng ilegal na droga.
Bakit hindi maloloko ang Pangulo? Sa halip na paimbestigahan niya ang pangyayari at alamin ang katotohanan kung pinaglagyan nga ang mga ito ng shabu, aba eh publiko niyang inihayag na walang laman ang mga magnetic lifters. Dahil wala nga laman, aniya, walang shabu ang mga ito. Kaya, sinabi niya kay PDEA Director Aquino na haka-haka lamang niya ang tinuran nitong pinaglagyan ng shabu ang mga magnetic lifters. Sa paghahangad na suportahan ang Pangulo, isang kongresista ang nagdadalati sa pagdinig ng House Committee on Illegal Drugs sa kanyang paggigiit na dahil walang laman ang magnetic lifters, hindi p’wedeng sabihin na naglaman ang mga ito ng shabu. Aniya, tulad ng sinabi ng Pangulo, espekulasyon lamang ito. Kaya, dahil kinontra ng Pangulo ang kanyang sinabi na ginamit na lalagyan ng shabu ang magnetic lifters, walang paalam na nagbakasyon si Aquino.
Napakarami at napakalaking halaga ng shabung naipuslit sa pamamagitan ng apat na magnetic lifters. Noong una, tinaya ni Aquino na 1 toneladang shabu, na may street value na P6.5 bilyon. “Sa bagong kalkulasyon, ang suma ng bigat ng shabu ay 1.6 ton. Ang street price nito ay 6.800 piso bawat gramo, kaya ang kabuuang halaga ay 11 bilyong piso,” wika ni Aquino. Kung determinado ang Pangulo sa pagpapairal ng war on drugs, dapat pinaimbestigahan niya agad ang mga magnetic lifters na ito. Dahil naglalaman ang mga ito ng shabu, pinatunton niya ang mga tinunguhan nito upang kahit paano ay mapigil ang pagkalat nito.
Tingnan ninyo ngayon, araw-araw ang mga ulat hinggil sa mga taong nagbebenta at gumagamit ng shabu. May mga engkuwentro umano na napatay ng mga pulis ang mga nagbebenta ng droga dahil lumaban nang malaman nilang katransaksiyon nila ay mga pulis. Sa dami ng drogang kumalat sa ating bansa, madali nang mabili at mura pa ang halaga. Mura na rin ang buhay sa dami ng mga napapatay dahil dito.
-Ric Valmonte