Nahaharap ngayon sa kasong kriminal si dating Carigara, Leyte Mayor Anlie Go Apostol kaugnay ng umano’y maanomalyang proyektong patubig na pinondohan ng mahigit P5 milyon noong 2010.
Si Apostol ay sinampahan ng kasong paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sa 2nd Division ng Sandiganbayan.
Sa complaint affidavit na isinampa ni Assistant Special Prosecutor II Jorge Espinal ng Office of the Ombudsman, nag-ugat ang kaso nang pumasok ang alkalde sa water project ng munisipyo na pinaglaanan ng P5.4 milyon.
Sa naturang reklamo, binanggit na pinaboran ni Apostol ang New Leyte Ever Hardware Co., Inc na mag-supply ng construction materials na aabot sa P5,417,852.82 para sa rehabilitasyon at pagkukumpini ng Small Water Impounding Projects sa Barangay Binibihan, San Isidro at Paglaum, pawang sa Carigaga noong Abril 8, 2010.
Tinukoy sa reklamo na iniutos ni Apostol kay Chief Administrative Officer Crescente Precia na pirmahan ang Acceptance and Inspection Report kasunod na rin ng pagpaalabas ng pondo para sa proyekto.
Isinagawa ito kahit hindi pa naide-deliver ang naturang construction materials.
Itinakda ng hukuman ang piyansang P30,000 para sa pansamantalang paglaya ni Apostol.
-Czarina Nicole O. Ong