Arestado ang isang umano’y drug pusher, na mga bus driver at konduktor umano ang parokyano, makaraang makorner sa buy-bust operation sa Valenzuela City, nitong Sabado ng gabi.

Sa ulat ni Chief Insp. Jowilouie B. Bilaro, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), kay Senior Supt. David Nicolas Poklay, hepe ng Valenzuela Police, kinilala ang naaresto na si Allan Espellaga, 36, pedicab driver, ng San Andres Street, Barangay Malanday.

Sa panayam kay SPO1 Roberto Santillan, ng SDEU, dakong 8:00 ng gabi nang ikinasa nila ang buy-bust operation sa panulukan ng San Andres Street at MacArthur Highway sa Bgy. Malanday.

Target ng grupo ni SPO1 Santillan si Espellaga, na bukod sa nasa drug watchlist ito umano ay itinuturo ring supplier ng shabu ng mga driver at konduktor sa isang bus terminal sa lugar.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nang iniabot na kay PO1 Julius Bernardo, poseur buyer, ang maliit na plastic sachet na may hinihinalang shabu ay sinenyasan na ng pulis sina SPO1 Santillan at PO1 Christian Rey Corpuz, kaya kaagad na pinosasan ng mga ito si Espellaga.

Nang kapkapan, nakuha pa umano sa suspek ang tatlo pang plastic sachet ng shabu.

Nabatid na taong 2000 nang nakulong si Espellaga sa Malolos City, Bulacan dahil sa attempted homicide.

-Orly L. Barcala