Dear Manay Gina,
Ako po ay dalaga, na sana’y maraming kaibigan na kaedad ko. Pero, wala po akong kaibigan at parang wala rin akong pakialam kahit nagso-solo lang ako. Hindi naman po ako takot sa tao, kaya lang, ang pakiramdam ko po ay parang mas kumportable ako sa pag-iisa. Napansin ko rin na ‘yung mga bagay na nakakabagabag sa iba ay parang walang epekto sa akin. Para bang natutuhan ko nang maging manhid sa mga pangyayari sa aking paligid. Kasi po, parang mas madali ang buhay kung ako’y walang pakialam sa iba. Gayunman, napansin kong masaya ako sa pakikisalamuha sa mga lalaki. Hindi n’yo naitatanong, ako po ay naging biktima ng pangmomolestiya noong ako ay bata pa. Hindi naman po ako napahamak dahil nahuli ang lalaki bago pa man may masamang nangyari sa ‘kin. Palagay n’yo po ba ay may epekto sa akin ang pangyayaring ‘yon kaya parang ako ay hindi kilos nang normal?
Glenda
Dear Glenda,
Malamang na ang pagiging soloista mo ay epekto ng malungkot na pangyayaring iyon sa iyong kabataan. Alam mo, minsan, bilang depensa sa lungkot o takot, ang sarili natin ay nakalilikha ng invisible protective wall bilang depensa sa posibleng trauma na iniisip nating magaganap muli sa ating buhay. At para maiwasan ang lungkot o takot, natuturuan natin ang ating sarili na maging manhid. Ito ay maaaring nagdulot sa‘yo ng hindi magandang epekto dahil sa kagustuhan mong maprotektahan ang sarili sa negatibong damdamin, pati ang mga positibong pangyayari sa ‘yong buhay ay hindi mo nararamdaman.
Isangguni mo agad sa isang guidance counselor ang iyong suliranin, para masagot ang kawalan mo ng damdamin sa ‘yong kapwa at sa mga pangyayari sa ‘yong paligid. Kumbinsido ako na ang pangmomolestiyang naranasan mo ang nagbibigay ng takot sa‘yo, na makaramdam ng tunay na saya.
Nagmamahal,
Manay Gina
“Tragedy in life normally comes with betrayal and compromise, and trading on your integrity and not having dignity in life. That’s really where failure comes.” --- Tom Cochrane
Ipadala ang tanong sa [email protected]
-Gina de Venecia