DAHIL nalalapit na ang 2019 mid-term elections, may isinusulong na slogan ngayon ang ilang sektor na muhing-muhi sa maruruming pulitiko na kaya lang daw kumakandidato ay hindi para magsilbi sa bayan at maging lingkod ng mamamayan, kundi gawin itong hanapbuhay, maging sikat at magkamal ng sandamukal na salapi at ari-arian.

Ang slogan ay tinawag nilang BAYAG, isang acronoym sa “Bawal ang Yabang at Ganid” na mga kandidato. Hindi sila dapat tangkilikin at iboto sapagkat hindi serbisyong-pambayan ang kanilang adbokasiya kundi personal na kapakinabangan habang naghihirap at nagdurusa ang mga Pinoy sa mataas na inflation (6.7% ngayong Setyembre), kakulangan ng bigas, at iba pang mataas na halaga ng mga bilihin.

Tinanong ko ang ilang kaibigan kung bakit may kasagwaan ang pinili nilang political slogan na BAYAG. Tumugon sila na kailangang maging kaakit-akit at kapansin-pansin ang titulo upang maging aware ang mga botante kung sino ang dapat nilang tangkilikin sa darating na 2019 elections. Aba, may katwiran. Kung ganoon, huwag iboto ang mga BAYAG na pulitiko, dapat ay ihagis sila sa basurahan at kangkungan.

oOo

Noong Lunes, may lumabas na news story na hindi takot mamatay si Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Ganito ang titulo ng balita: ‘Rody: I’m not afraid of death.” Bagamat idineklara ng mga doktor na wala siyang cancer matapos magpa-colonoscopy at endoscopy bunsod ng Barret’s disease sanhi ng paninigarilyo at pag-inom noong kabataan, binigyang-diin ng ating Pangulo na hindi siya takot sa kamatayan.

Badya ni Mano Digong: “Tumatanda na tayo (73 anyos). Ako, sabi nila ay naghihingalo na. Of course, I will die someday. Wala akong problema dyan.” Ang pahayag ay ginawa ni PDu30 nang siya’y dumalo sa paglulunsad ng aklat ni ex-Pres. Fidel V. Ramos na “Prosper thy neighbor” sa Maynila.

Aminado ang Pangulo na idolo niya si FVR, isa sa nanguna sa pag-aalsa laban sa idolo rin niyang ex-Pres. Ferdinand E. Marcos.

Welcome na welcome ng kampo ni Vice Pres. Leni Robredo ang desisyon ng Kamara na ibalik siya sa “linya ng susunod na pangulo” o “line of succession” sakaling matuloy ang pederalismo. Sa draft ng kapulungan tungkol sa Charter Change (Cha-Cha) tungo sa federal system, ang inilagay na papalit sa Pangulo sakaling siya ay mamatay, magkasakit nang malubha at mag-resign, ay ang Senate President.

Mismong si Senate Pres. Tito Sotto ay kontra sa Charter Change draft ng Kamara kahit siya ang makikinabang dito. Bagamat hindi kumporme si PRRD sakaling siya ay mag-resign ay si VP Leni ang papalit sa kanya, maliwanag namang nakasaad sa Constitution na ang vice president ang tatayong presidente kapag nawala ang nakaupong pangulo.

oOo

Makahihinga na nang bahagya ang taumbayan dahil sususpendihin ng Department of Finance (DoF) ang naka-iskedyul na pagtataas ng buwis o excise tax sa diesel at gasolina sa susunod na taon dahil sa inaasahang paglampas sa $80 per barrel crude oil sa world market.

Gayunman, hindi lubos na makahihinga nang maluwag ang mga Pinoy sapagkat tuloy pa rin ang umiiral na excise tax na ipinataw mula noong Enero sa bisa ng TRAIN LAW (Tax Reform for Acceleration and Inclusion). Samakatwid, patuloy na mananagasa ang TRAIN kina Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap at Mariang Tindera.

-Bert de Guzman