HATAW sa kabuuan ng karera ang Forest Cover at sapat ang nalalabing lakas sa dikdikang labanan para makaalpas sa hamon ng Mona's Mark at Electrify at tanghaling kampeon sa 2nd leg ng Philippine Racing Commission (Philracom) Juvenile Fillies and Colts Stakes Race nitong Linggo sa Saddle and Leisure Park sa Naic, Cavite.
Nagkukumahog ang bawat isa patungo sa finish line, ngunit nanaig ang tibay ng Forest Cover, pag-aari ni Aristeo G. Puyat, sa karera na may distansiyang 1,300-meter.
Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Jockey O'Neal P. Cortez sa diskarteng binigyan buhay ng Forest Cover para matikman ang unang panalo sakay ng pamosong filly.
"Kinuha muna namin kung saan siya (Forest Cover) kampanteng puwesto, bago kami nagbakbakan noong rekta,"pahayag ni Cortez sa post-race interview.
"Noong nadikitan naman kami ni Mona's Mark, nag-respond na 'yung kabayo ko,” ayon sa hinete na gumabay din sa Victorious Colt sa huling karera ng Philracom Triple Crown Series noong Hulyo.
Ipinagkaloob ng Forest Cover ang premyong P600,000 para sa among si Puyat, habang nakamit ni CM Vicenteang Breeder's Purse na P30,000.
Nakatanggap ang may-ari ng Mona's Mark ng P225,000, habang nag-uwi ang tagapag-alaga ng Electrify ng P125,000. Bilang ikaapat na tumapos, may P50,000 ang may-ari ng Barayong .
Nauna rito, nagdiwang ang kampo ng Caloocan Girl sakay si jockey Ryan Garcia nang pagbidahan ang ang KDJM Juvenile Fillies Stakes Race.
Naiuwi ng Caloocan Girl ang premyong P300,000, habang nakamit ni Garcia ang pinakamalaling panalo sa batang career.
Ang oba pang bumida sa 12-race Philippine Racing Club Inc. ay ang Cojuangco Cup champion Hitting Spree (Race 1), Summer Cruise (Race 2), Ace Up (Race 4), Kingship (Race 5), Shadow Of The Sun (Race 7), Pride Of Laguna (Race 8), Lakambini Stakes winner Disyembreasais (Race 9), Silver Glow (Race 10), Shoo In (Race 11) at Minotaur (Race 12).
Samantala, nakatakda ang huling pinakamalaking karera ngayong taon – ang Sampaguita Stakes Race – sa Oktubre 28.
Susundan ito ng Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup, MARHO Racing Event at 1st Leg of 3YO Open Challenge Series sa Nobyembre 4, at ang 3rd Leg ng Juvenile Fillies Stakes Race and Juvenile Colts Stakes Race sa Nobyembre 18.