Binabalak ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na hilingin kay United States President Donald Trump na huwag isama ang anti-China clause sa posibleng free trade agreement sa Pilipinas.
Nagpahayag ng pagkabahala ang Pangulo sa mga ulat na maaaring kasama sa US trade deals sa mga bansa ang probisyon na nagbabawal sa pakikipagkalakalan sa China, dahil lilimitahan nito paglago ng trading market ng Pilipinas.
“Now, here is a problem. I do not know if it is a confirmed move by the American government. President Trump would be willing to sign a trade pact with you... Now, kung pipirma ka niyan, you can export and import will continue but you cannot trade with China. Sige daw. Try to solve the problem,” aniya sa press conference sa Davao City kahapon ng umaga.
“Si Trump, kaibigan ko. So kung magkita lang naman kami sabihin ko, ‘Pareng Donald, ano ba namang... Huwag mong... Pati Pilipinas niyan. See we have a limited market suddenly,” aniya.
Aminado ang Pangulo na malapit ang relasyon ng bansa kapwa sa United States at China, at hindi gustong bitawan ang kahit isa sa mga ito.
Sa kasalukuyan, ang China ang pinakamalaking trading partner ng Pilipinas. Samantala, ang United States ay matagal nang kaalyado ng Pilipinas sa ekonomiya at depensa.
“Now, China buys everything from us. When I assumed the -- my work as a -- in the national government, everything was all right already. Maski anong ipagbili mo sa kanila, bibilihin nila,” aniya.
“Ang Amerikano naman, historically, may umbilical cord tayo, lalo na mga military, the police. They go there to train. So we have this brotherhood bond. So malapit rin tayo doon,” dugtong niya.
Ang huling pahayag ng Pangulo ay kasunod ng mga ulat na nakahanda ang United States na magdagdag ng “poison pill” sa trade agreements sa hinaharap sa gitna ng tariff war nila ng China. - Genalyn D. Kabiling