Kumpiyansa ang Malacañang na mababasura ang anumang impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa diumano’y kaugnayan niya sa extrajudicial killings (EJKs).

Ikinatwiran ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang solidong ebidensiya na magdadawit sa Pangulo sa pagpatay, iginiit na hindi umamin si Duterte sa anumang kasalanan o krimen.

“I’m sure it will also be dismissed by Congress not only because it is a political process but because it’s actually bereft of merit,” ani Roque sa press briefing sa Palasyo.

Nauna rito ay sinabi ni Antonio La Viña, dating dean ng Ateneo School of Government, na ground for impeachment ang pahayag ni Duterte na ang tangi niyang kasalanan ay extrajudicial killings. Ayon kay La Viña ang mga pahayag ni Duterte ay maituturing na matibay na ebidensiya sa reklamo laban sa kanya sa International Criminal Court.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Gayunman, pinaalalahanan ni Roque si La Viña tungkol sa tamang konteksto ng mga pahayag ng Pangulo sa EJKs, na walang pag-amin sa panig ni Duterte. Sinabi niya na binigyang-diin lamang ng Pangulo na hindi siya inaakusahan ng katiwalian o pakikisangkot sa political vendetta.

“Kinakailangan ay beyond words ‘no, mayroon ka bang solid na ebidensiya?” aniya sa radyo.

Positibo si Roque na ang anumang impeachment complaint laban sa Pangulo ay maibabasura sa Kongreso. “Sa tingin ko po, walang ebidensiya, wala pong ibig sabihin iyong sinabi ng ating President,” aniya.

-GENALYN D. KABILING