DUMAUSDOS ang approval at trust rating ng lahat ng mga opisyal at opisina ng pamahalaan sa ikatlong bahagi ng survey ngayong taon ng Pulse Asia, na isinagawa nitong Setyembre 1-7, sa 1,800 respondents sa buong bansa.
Mga ulat hinggil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kakulangan sa bigas at mga pagbaha dulot ng ulang pinalakas ng sunud-sunod na mga bagyo ang nangingibabaw na mga balita sa panahon na isagawa ang survey. Iniulat din ng pamahalaan ang pagpalo ng inflation rate ng bansa sa 6.4 porsiyento, na sinasabing pinakamataas sa loob ng nakalipas na siyam na taon. Nagkaroon din ng mga inspeksiyon sa mga warehouse ng bigas ng National Food Authority. Habang nangako naman ang mga Manufacturer na hindi magtataas ng kanilang mga presyo sa loob ng tatlong buwan.
Sa panahong ding ito umalis si Pangulong Duterte para sa kanyang state visit sa bansa ng Israel at Jordan. At ipinawalang-bisa ang amnestiya na iginawad ng dating pangulo kay Sendor Antonio Trillanes IV, ang kanyang pinakamatinding kritiko, dahil sa hindi umano pagsunod nang maayos sa regulasyon ng amnestiya.
Ngunit ang pagtaas ng mga presyo at ang kakulangan ng supply para sa mababang presyo ng bigas ang higit na nakaimpluwensiya sa resulta ng survey, na nagpapakita ng dumaraming bilang ng mga mamamayang hindi kuntento. Kalimitan nang ganito—isyu hinggil sa pagkain at pagraos sa buhay, ang higit na mahalaga sa mga Pilipino kaysa pulitikal, panlipunan o kultural na salik.
Bumababa ang approval rating ni Pangulong Duterte sa 75% sa pinakabagong resulta ng Pulse Asia survey mula sa 88% noong Hunyo habang ang kanyang trust rating ay nabawasan ng 15 puntos mula 87% patungong 72%. Para kay Vice President Leni Robredo, bumaba sa 61% ang dating 62% approval score nitong Hunyo, habang nanatili sa 56% ang kanyang trust rating.
Ang approval rating ng Senado na 69% dati, ay bumabaa sa 63%. Gayundin ang Kamara de Representantes na bumaba sa 56% mula 66%. At ang Korte Suprema na nakakuha ng 52% approval mula sa dating 63%.
Sa kabila ng magkakasunod na tatlong survey na nagpapakita ng pagbaba ng rating ng Pangulo, ipinunto ni presidential spokesman Harry Roque na nananatiling mataas ang approval at trust rating ng Pangulo, pinakamataas sa lahat ng opisyal na kabilang sa survey. Ngunit aminado siya na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang nakapag-ambag sa pagbaba ng pagsang-ayon at tiwala ng mga tao.
Ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya upang mapababa ang presyo ng bigas at ng iba pang pangunahing bilihin, aniya. Nanguna sa mga pahayagan kamakailan ang bugso ng pag-angkat ng bigas ng National Food Authority—750,000 tonelada ngayong taon at dagdag na milyong tonelada para sa 2019. Bukod sa mga pampublikong pamilihan, mabibili na rin sa mga mall at supermarket ang murang bigas ng NFA.
Kung nakatulong ang mga survey para sa mabilis at tiyak na aksiyon ng pamahalaan, dapat na tanggapin ito ng gobyerno dahil ito ang paraan para maiparating ng mga tao ang kanilang opinyon at pagtingin sa kanilang mga opisyal.
Sa pamamagitan ng halalan naipaparating ng mga tao ang kanilang tinig sa isang demokrasya ngunit sa pagitan ng eleksiyon, ang survey para sa opinyon ang maaaring makatulong sa mga opisyal na madama ang pulso ng publiko upang makaagapay sa kanilang paglilingkod. Ngayon, dinaramdam ng mamamayan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at nakikita ang pagkadismaya sa bagong survey. Tinatanggap natin ang tugon ng pamahalaan—ang mga anunsiyo at aksiyon nito na dapat na magpahupa sa mataas at patuloy na tumataas na mga presyo.