TAAS-KAMAY na nagpasalamat sa Diyos ang Asia’s Romantic Balladeer na si Christian Bautista dahil sa sunud-sunod niyang projects na ginagawa sa GMA Network. Biro namin kay Christian, blessings iyon para sa nalalapit nilang kasal ng girlfriend na si Kat Ramnani, na gaganapin bago matapos ang taon.

Christian copy

Sa halos lahat kasi ng dinaluhang presscon or set visit ng entertainment press ay naroon siya at kasama sa project. Gaya ngayong Sabado, semi-finals na ng The Clash at isa siya sa panel of judges kasama sina Ai Ai delas Alas at Lani Misalucha. Bukas naman, Linggo, ay grand finals na ng nasabing kumpetisyon, at limang contestant na lamang ang magtatagisan ng galing mula sa dating 62 kalahok. Nang tanungin naman kung may bet siyang manalo ay ngiti lamang ang sagot niya. Kaya abangan nalang natin dahil live itong mapapanood sa GMA 7 pagkatapos ng Daig Kayo Ng Lola Ko.

Eto pa, hindi pa man natatapos ang The Clash, ay kasama na rin siya sa bagong musical show ng GMA, ang Studio 7 at makakasama niya rito ang Kapuso stars na sina Julie Anne San Jose, Gabbi Garcia, Kyline Alcantara, Mikee Quintos, Kate Valdez, Migo Adecer at Mark Bautista.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Hindi rin nawawalan ng acting projects si Christian. Kamakailan ay binisita namin ang taping ng bagong primetime dramedy ng GMA, ang Pamilya Roces, at kabilang din siya sa cast nito. Ano ang role na gagampanan niya roon?

“Ako po si Ralph Gomez, corporate and family lawyer ng pamilya Roces,” sabi ni Christian. “Hawak ko lahat ng business interests nila, lalo na ang business interest ni Cyrstal Rose (Carla Abellana). I’m secretly in love with her, kahit na may asawa na siya, si Hugo Javellana (Rocco Nacino).”

Hindi raw ito ang unang pagkakataon na makakatrabaho niya si Direk Joel Lamangan, ang direktor ng Pamilya Roces, kaya kabisado na niya ang working habits nito. Naidirek na siya ng direktor sa Mano Po 5, na pinagbidahan nina Angel Locsin at Richard Gutierrez. Ilang teleserye na rin ang nagawa ni Christian sa GMA, at katatapos lamang niyang mag-guest sa Victor Magtanggol habang ongoing ang The Clash.

Next week, mauunang umalis sina Christian at Julie Anne papuntang San Francisco para sa meet and greet with the fans bago dumireto sa Los Angeles, California, bilang bahagi ng “Kapusong Pinoy: Paskuhan at Kantawanan sa Anaheim”, sa Oktubre 7. Gaganapin ang event sa The Grove of Anaheim sa LA at makakasama niya rito sina Ai Ai, Julie Anne, ang comedy duo na sina Super Tekla at Donita Nose, at si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera.

“Pagbalik namin, guest naman ako sa concert ni Kuh Ledesma sa The Theater ng Solaire, on October 20”.

Anyway, ang Pamilya Roces ay mapapanood na simula sa Oktubre 8, pagkatapos ng Onanay.

-Nora V. Calderon