Walong katao, na kinabibilangan ng matataas umanong opisyal ng New People’s Army (NPA), ang nadakip, habang ilang matataas na uri ng baril ang nasamsam, sa pagsalakay ng militar at National Bureau of Investigation (NBI) sa isang farm sa Teresa, Rizal nitong Martes.

Pinaniniwalaang gagamitin sa sinasabing Red October oust plot laban kay Pangulong Duterte ang nasabing mga armas, ayon sa mga awtoridad.

Ayon kay Brig. General Arnulfo Marcelo Burgos Jr., commander ng 202nd Infantry Brigade ng Philippine Army (PA), dakong 7:30 ng umaga nang salakayin nila ang Coral Farm sa Sitio Dalig, sa Teresa, sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng korte, matapos matukoy na ginagawa itong safehouse ng matataas na opisyal ng NPA Southern Tagalog.

Kabilang sa mga naaresto sina Armando Lazarte, alyas “Pat”/”Romano”, na sinasabing kalihim ng NPA Sub Regional Military Area 4-A; Tirso Alcantara, alyas “Bert”, dating commander ng Regional Unit Guerilla; at ang may-ari ng anim na ektaryang farm na si alyas “Lily Ong”.

National

Disyembre 26, 2024 hindi idedeklara bilang holiday – Malacañang

Nakarekober din ang mga awtoridad ng matataas na kalibre ng baril, kabilang ang apat na M653 o baby armalite, isang M203 grenade launcher, limang 12-gauge shotgun, tig-isang .45 caliber pistol, isang .38 caliber revolver at isang .9mm na baril, at isang KG3 machine pistol; dalawang Granada, mga two-way radio, mga cell phone, at iba pang mga dokumento ng NPA.

“The presence of top NPA leaders and the proximity of Teresa town to Manila are indicators that the threat of ‘Red October’ cannot be downplayed and that the plotters are just awaiting for an opportunity to execute their plans,” ani Burgos.

-Mary Ann Santiago