Isang drug suspect, na kilala ng kanyang mga kapitbahay bilang isang AWOL na pulis, ang napatay ng mga awtoridad nang manlaban habang inaaresto sa buy-bust operation sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Naisugod pa sa Tondo Medical Center si Benjo Villanueva, nasa hustong gulang, at taga-Vitas Katuparan, Tondo, ngunit hindi na umabot nang buhay dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, arestado naman ang asawa ni Villanueva na si Rowena Villanueva, na umano’y kasama ng suspek na nagtutulak ng ilegal na droga, at kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).

Batay sa ulat ni Senior Insp. Dave Abarra, ng Manila Police District (MPD)-Raxabago Police Station 1, nangyari ang insidente dakong 3:30 ng umaga sa rooftop sa ikaapat na palapag ng gusali na kinaroroonan ng bahay ng mga suspek.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Nabatid na nagkasa ng buy-bust operation laban sa suspek ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) at Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP), ngunit nakahalata umano ang suspek na pulis ang katransaksiyon at nagbunot ng baril at nagpaputok umano ngunit walang tinamaan.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis na nagresulta sa kamatayan ni Benjo.

Batay sa impormasyong nakuha ng pulisya, nabatid na si Villanueva ay top 2 most wanted ng MPD-Station 1 dahil sa kasong murder, at top 2 most wanted din sa district level ng Maynila.

-Mary Ann Santiago