Nanindigan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na dapat na papanagutin ang mining company sa landslide na naganap sa minahan sa Itogon, Benguet, na ikinasawi ng napakaraming minero at residente, sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong ‘Ompong’ nitong Sabado.

Ayon kay Father Edwin Gariguez, kilalang environment advocates at executive secretary ng CBCP-National Secretariat for Social Action, Justice and Peace at Caritas Philippines, walang ibang dapat na sisihin at managot sa pangyayari kundi ang Benguet Corporation, dahil ang operasyon nito ang naging dahilan upang magkaroon ng landslides sa lugar.

Sinabi ni Gariguez na ang naturang mining site ay kabilang sa mga lugar na ipinasasara ni dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez noong 2017 dahil sa hindi pagtalima sa environmental laws.

Aniya, dapat ay isasailalim sa rehabilitasyon ang naturang lugar, ngunit sinasabing kumontrata umano ang naturang mining firm ng small miners upang ipagpatuloy ang operasyon nito.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“We need to make mining companies accountable. Justice means reparation for the damages,” ani Gariguez, sa pahayag na nakapaskil sa website ng CBCP. “The community became even more vulnerable to disasters because of destructive mining activities of Benguet Corp.”

Hinikayat pa ni Gariguez ang DENR na pangunahan ang paggawa ng kaukulang aksiyon para mapanagot ang nasabing kumpanya.

Ipinag-utos nitong Lunes ni DENR Secretary Roy Cimatu ang pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng small-scale mining operations sa buong Cordillera.

Samantala, iniulat ng Philippine National Police (PNP) ang karagdagang pito sa mga nasawi sa Ompong, kaya umakyat na sa 81 ang death toll kahapon ng umaga.

Bandang 6:00 ng umaga, nadagdag sa partial consolidated tally ng National Operations Center (NOC) sa Camp Crame, Quezon City ang anim na nasawi sa Cordillera, kaugnay ng tuluy-tuloy na search at rescue operation ng mga awtoridad sa Barangay Ucab sa Itogon.

Sa kumpletong tala ng mga nasawi, nasa 66 ang taga-Cordillera, 10 sa Region 2, dalawa sa Region 3, dalawa sa Metro Manila, at isa sa Region 1.

Nasa 70 katao naman ang nawawala pa rin.

-Mary Ann Santiago at Martin Sadongdong