Diretso sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang lahat ng donasyon ng foreign donors para sa mga biktima ng Bagyong ‘Ompong’, inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Bukod sa Association of South East Nation member states na Singapore at Thailand, nangako rin ng tulong ang South Korea, Japan, Australia, New Zealand, Switzerland, United Kingdom, at United States.

Mula sa pondong ito, pagkakalooban ng pamahalaan ng tig-P10,000 ang bawat pamilya na nasiraan ng bahay at tig- P30,000 para sa mga bahay na lubusang nawasak.

Samantala, nag-abot ng tulong sa relief operations ang isang kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bong Revilla, Jinggoy Estrada kumambiyo rin sa Adolescent Pregnancy Bill

Ipinahiram ng negosyanteng si Archibald Po, may-ari ng Lionair Inc., ang kanyang eroplano para maghatid ng mga pagkain sa mga lugar na apektado ng Bagyong ‘Ompong’.

“I have here with me a good friend of mine si Archie Po who owns the Lionair. He has a 727, malaki ‘yan to airlift ‘yung wala dito, pagkain,” ani Duterte sa pakikipagpulong sa mga opisyal kaugnay sa La Trinidad, Benguet nitong Lunes.

“Salamat, Archie ha. Archie has been a friend of mine,” aniya pa.

Nakiramay din ang Pangulo sa mga namatayang pamilya. Pinagkaloban niya ang mga ito ng tig-P45,000 tulong -- P20,000 cash at P25,000 halaga ng goods at funeral and burial assistance.

Inilabas na rin ng Bureau of Customs (BoC) ang mga nasamsam na smuggled rice para ibigay sa mga binagyo.

Kumilos si Customs Commissioner Isidro Lapena matapos atasan ni Finance Secretary Dominguez na ang lahat ng available food items, lalo na ang bigas, ay i-donate para mapakinabangan ng mga biktima ng bagyo.

Nitong Setyembre 14, nilagdaan ni Lapeña ang deed of donation para sa 14 na twenty-footer containers na naglalaman ng kabuuang 7,000 sako ng bigas. Ang shipments ay nakumpiska ng Bureau sa Port of Cebu.

Hiniling naman ni Senador Bam Aquino kay Pangulong Duterte na atasan ang National Food Authority (NFA) na bilihin ang Storm-Damaged Palay (SDP) ng mga magsasakang sinalanta ng bagyong Ompong upang matulungan silang makabangon.

-BELLA GAMOTEA, GENALYN D. KABILING, ARIEL FERNANDEZ at LEONEL M. ABASOLA