“BORACAY is a cesspool.” Matapos sabihin ang mga katagang ito habang nasa kanyang bayan sa Davao City noong Pebrero 2018, sinimulan ni Pangulong Duterte ang proseso ng rehabilitasyon ng isa sa pinakapopular at pinakanakamamanghang tourist attraction sa mundo. Isinara ang isla sa mga turista noong Abril 26 upang bigyang-daan ang pamahalaan, ang pribadong sektor, at ang iba pang stakeholders na tugunan ang maraming problema sa Boracay, kabilang na ang suliranin nito sa tapunan ng dumi at pagkakapariwara ng kalikasan.

Mahirap ang naging desisyon ng Pangulo subalit alam niyang kailangang gawin ito. Ipinakita sa survey ng Social Weather Station noong Hulyo na 64% ng mga Pilipino ang suportado ang naging pasya niya. Isa itong desisyon na malinaw na sumagip sa magiging kahihinatnan ng sikat na isla, na itinuturing ng maraming eksperto sa paglalakbay bilang isa sa pinakamagaganda sa mundo.

Anim na buwan makaraang ipasara, inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magkakaroon ng “soft opening” ang Boracay sa Oktubre 16 at ganap na bubuksan sa huling bahagi ng 2019. Ipinaliwanag ng mga opisyal ng DENR at Department of Tourism (DoTr) na dahil lantad ang isla sa pagsasamantala, gagawing unti-unti ang pagbubukas nitong muli, at isasagawa sa tatlong bahagi, upang matiyak na sa pagkakataong ito ay mapangangalagaan na ang Boracay.

Nakakatuwa na hindi minamadali ang pagbubukas muli ng Boracay upang mapagbigyan lamang ang mga turistang dadagsa rito. Hindi dapat biglain ang Boracay. Ito ang naging problema dati—kaya naabuso ang isla. Batay sa pag-aaral ng mga eksperto mula sa DENR-Ecosystems and Research Development Bureau (ERDB) at University of the Philippines-Los Baños, natuklasan na nasagad na ang kapasidad ng Boracay Island at nauwi ito sa “generation of too much waste and deterioration of water quality.”

Mawawalan ng saysay ang mga pagsisikap ng gobyerno na isailalim sa rehabilitasyon ang isla kung pababayaan lang na maulit ang mga naging pagkakamali noon. Bukod sa mga naisakatuparan na, kailangan ng pamahalaan na sanayin, suportahan, at papanagutin ang mga local government unit (LGU) sa larangan ng pagbibigay ng proteksiyon sa mga likas na yaman, gaya ng Boracay Island. Balewala kung balik din sa dati ang gawi ng mga opisyal at turista.

Nagtitiwala ako sa pahayag ng mga tourism official na magiging istrikto sila sa pagpapatupad ng mga kinakailangang limitasyon sa isla. Ang mga awtoridad at ang mga residente ay kinakailangang bigyan ng awtorisasyon upang pangunahan ang mga aktibidad na titiyak ng proteksiyon sa pinakamahahalaga nilang isla. Mahalagang maging seryoso sa mga education campaign ang mga lokal at dayuhang turista upang masiguro ang pagkakaroon ng sustainable tourism.

Subalit umaasa rin ako na ang naging karanasan natin sa Boracay ay magsisilbing aral upang mapagnilayan nating mabuti ang ating mga pangkalahatang polisiya at estratehiya sa turismo at kalikasan. Ang pagpupursigeng ito na maprotektahan ang isa sa pinakanatatangi nating kayamanan ay dapat na maging huwaran upang mapangalagaan ang iba pang pangunahing tourist destination sa Pilipinas. Dapat na seryosong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang iba pang tourist attractions sa bansa at tiyakin na mapananatili ang ganda ng mga ito upang masilayan pa ng mga susunod na henerasyon.

Ang isa pang lugar na kaagad na papasok sa isipan ay ang Baguio City. Kailangan marahil ang masusing talakayan kung papaano isasailalim sa rehabilitasyon ang summer capital ng ating bansa upang hindi ito mauwi sa pakikipagsabayan sa Metro Manila bilang gridlock capital ng Pilipinas. Tuwing weekends at holidays, nagmumukhang Metro Manila ang Baguio dahil sa matinding pagsisikip ng trapiko.

Totoong nakakahiya ito dahil ang City of Pines ay abot-kaya, madaling puntahan, at isang napakagandang karanasan para sa mga Pilipino at mga dayuhan. Marami akong magagandang alaala sa Baguio, at tiyak akong gayundin ang marami sa atin. Isa itong lugar na kailangang buhaying muli ang kagandahan.

Maraming iba pang magagandang destinasyon sa bansa na kinakailangang isailalim sa rehabilitasyon, tulad ng Boracay. Umaasa akong nasusubaybayan ng mga opisyala ang prosesong pinagdadaanan ngayon ng Boracay, upang matuto sa sarili nating mga pagkakamali at nang maiwasto ang mga ito bago pa mahuli ang lahat.

-Manny Villar