KUNG ang survey ng Social Weather Stations (SWS) ang paniniwalaan, bumagsak ang antas ng kawalang-trabaho ng mga Pilipino nitong ikalawang quarter o anim na buwan ng 2018. Dahil dito, sinabi ng Malacañang na patunay ito na may “robust economy” o masiglang ekonomiya ang Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na batay sa SWS survey, ipinakikita na ang adult joblessness o kawalan ng trabaho ay bumagsak sa 19.7 porsiyento sa nakalipas na anim na buwan.
“Patunay ito na sa kabila ng inflation, ang ating ekonomiya ay nananatiling malakas dahil sa pagkabawas ng kawalang-trabaho,” ani Roque. Binanggit niya na noong June 2018 survey, may 8.6 milyong adult Filipinos ang walang trabaho, mas kakaunti kumpara sa 10.9 milyong walang trabaho noong Marso.
Tatlong Indonesian fisherman ang dinukot ng mga armadong lalaki noong Huwebes sa karagatan ng Semporna, Sabah, Malaysia. Sinabi ni Lt. Col. Gerry Besana, spokesman ng Western Mindanao Command (WestMinCom), na nagsasagawa ngayon ng magkasanib na pagpapatrulya ang PH military, Indonesia at Malaysia upang harangin sa pagtakas ang mga abductor.
Hindi pa malaman ng WestMinCom kung sino ang mga armadong lalaki bagamat ang mga ito umano ay nagsasalita ng Bahasa Suluk. Ang dayalektong ito ang lengguwahe ng mga residente ng Sulu. Iniimbestigahan kung ang mga dumukot ay kabilang sa Abu Sayyaf Group (ASG).
Inihayag ng United Nations ang listahan ng 38 “shameful countries” na nagsasagawa umano ng paghihiganti o pananakot laban sa mga mamamayan na nakikiisa sa UN human rights laban sa mga pagpatay, pagpapahirap, at arbitrary arrests.
Sa taunang report mula kay UN Secretary-General Antonio Guterrez, kabilang din ang mga alegasyon ng “ill-treatment, surveillance, criminalization and publc stigmatization campaigns targeting victims and human rights defenders.”
Kabilang sa “shameful countries” na ito ang Pilipinas, China at Russia. Bukod sa kanila, nasa listahan din ang Bahrain, Cameroon, Colombia, Cuba, Democratic Republic of Congo, Djibouti, Egypt, Guatemala, Guyana, Honduras, Hungary, India, Israel, Kyrgystan, Maldives, Mali, Morocco, Myanmar, Rwanda, Saudi Arabia, South Sudan, Thailand, Trinidad-Tobago, Turkey, Turkmenistan at Venezuela.
Habang isinusulat ko ito ay hindi pa alam ang pinsalang dulot ng bagyong Ompong na nanalasa sa Pilipinas. Sana naman ay hindi marami ang namatay (hindi nasawi), nasirang pananim, at nawasak na imprastruktura sapagkat kuba na ang mga Pilipino na ngayon ay pinahihirapan ng mataas na inflation, at hirap na hirap nang pagkasyahin ang budget ng pamilya para sa pagkain.
-Bert de Guzman