DAHIL sa epektibong pagsusulong ng mga programang may kinalaman sa kalikasan, edukasyon at turismo, pinarangalan bilang Most outstanding Mayor ng Pilipinas si Legazpi Mayor Noel E. Rosal ng United Nations, Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).

Iniabot ni Professor Shahbaz Khan, regional director ng Science Bureau for Asia and the Pacific at UNESCO Representative for Brunei Darussalam, Indonesia, Malaysia, the Philippines and Timor-Leste, ang parangal kay Legazpi City Mayor Rosal sa idinaos na 2018 International Assembly of Youth for UNESCO sa Icon Hotel sa Quezon City, kamakailan.

Ang UNESCO ay isang espesyal na ahensiya ng United Nations na layong makatulong sa pagtatatag ng kapayapaan gayundin ang paglutas ng kahirapan, pagpapanatili ng pag-unlad at intelektuwal na diyalogo sa pamamagitan ng edukasyon, siyensya, kultura, komunikasyon, at impormasyon.

Nagpahayag naman ng pagkagalak si Yugi Suzuki, director general ng National Federation of UNESCO Associations in Japan, para sa patuloy na pagsulong at pag-unlad ng Legazpi na naglagay sa lungsod bilang isa sa pinakamagandang lugar para sa pamumuhunan sa buong bansa.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa isang panayam, sinabi ng director na ang pagkilala ay pinili base sa mga programa at proyekto na ipinatupad ng lungsod kabilang ang Solid Waste Management Program, pagpapaunlad ng imprastruktura, Risk Reduction Management Program, pagsusulong ng industriya ng turismo, kultura, bio-diversity at sistema ng edukasyon sa Legazpi.

Ang epektibong pagpapatupad ng polisiyang “No Segregation, No Collection” sa waste management ang nagbigay-daan upang kilalanin ang Legazpi na modelo para sa pagiging environmental-friendly.

Sa kanyang talumpati, sinabi naman ni Rosal na isang karangalan sa kanya na mapili bilang Most Outstanding Mayor for good local governance.

Aniya, ang prestihiyosong karangalan ay resulta ng tulung-tulong ng pagsisikap na mga miyembro ng konseho ng lungsod gayundin ang mga pinuno ng departamento, mga empleyado ng city administration, kasama ang mga kooperasyon ng mga stakeholders at ang buong mamayan ng Legazpi, na naglagay sa lungsod sa mapa sa termino ng pagsulong at pag-unlad.

Dagdag pa ng alkalde, ang karangalan niyang nakuha ay maaaring maging isang investment opportunity na tiyak na makatutulong sa pagpapaganda ng economic rating ng lungsod at magresulta sa higit na maraming trabaho para sa kanyang nasasakupan.

PNA