DEAR Inang Mahal,
Kami ng aking mister ay laging kapos sa pera at wala rin kaming naiipon. Dahil dito, bukod sa hirap ng loob ay nakararamdam din ako ng hiya. Hindi naman ho kami laspag dahil ang aming pera ay napupunta sa pagbabayad ng mga buwanang bills. Ang malungkot lang, sa halip na makapag-ipon ay nadadagdagan pa ang aming utang.
Isa pa sa aking alalahanin ang lumalaki naming anak. Naiinis ako sa mga taong anak ng anak pero wala naman silang pangtustos. Pero ngayon, tila ganoon din ang aking magiging sitwasyon. Paano po ba ang tamang pagpapalago ng pera?
Lorelie
Dear Lorelie,
Sa ganyang sitwasyon, huwag kang mapagod sa paghanap ng mga puwedeng pagkakitaan, at nang sa gayon ay madagdagan ang inyong pera.
Isang paraan para mabawasan ang inyong utang ay ang paggawa ng listahan ng inyong mga bayarin at unahin mong bayaran ‘yung mga may maliit na halaga. Maniwala ka, lalakas ang iyong loob at gagaan ang iyong pakiramdam kapag alam mong kahit paano’y nakakabayad ka sa ‘yong mga utang.
Para naman ikaw ay makapag-ipon, gumawa ka rin ng listahan ng iyong mga ginagasta. Sa ganitong paraan, makikita mo kung saan napupunta ang inyong pera at mas madali mong magagawan ng paraan kung paano makakatipid dahil makikita mo sa listahan kung alin ang mga gastos na puwede n’yong iwasan o ipagpaliban.
Ang totoo, marami sa atin ang talagang kulang ang kaalaman sa pagpaplano ng ating kinikita, kaya, mas mainam kung hihingi ka ng payo sa isang kaibigan na magaling sa pananalapi. Humingi ka ng payo sa kakilala mong accountant, sa isang nagtatrabaho sa banko o kaya’y sa mga kaibigang magaling humawak ng pera.
‘Wag kang masyadong mag-alala sa bagay na ito dahil walang maitutulong ang pamumroblema. Lumapit ka sa isang eksperto, upang ganap kang mabigyan ng tamang taktika kung paano mapapalago ang inyong pera.