PANG-ILANG endorsements na nga ba ni Marian Rivera ang pinakahuli niya bilang brand ambassador ng Canesten ng Bayer Philippines? Natawa na lang si Marian sa tanong na ito sa launch na ginawa sa Shangri-la The Fort last Thursday, September 7.

Marian copy

Isang Thai model ang kasama ni Marian sa shoot niya ng TV commercial para sa number one anti-fungal brand sa bansa, na personal na raw na nasubukan ng aktres ang bisa.

Biro kay Marian, hindi ba nanligaw sa kanya ang Thai model?

Bea Binene, pinadadalhan ng mensahe matapos ang hiwalayang Bea-Dominic

“Naku sinabi ko agad sa kanya na I’m married and I have a child,” natatawang kuwento ni Marian. “Nag-stalk yata sa Instagram ko at ipinakita pa niya ang picture naming mag-anak, kung si Dong (Dingdong Dantes) daw ang husband ko at si Letizia ang daughter ko. Sabi ko nagsasabi ako ng totoo.

“Mababait ang mga kasama ko sa shoot at nag-enjoy ako. ‘Yung TVC ipinalalabas na ngayon sa Thailand at susunod dito sa atin, then sa ibang Asian countries.

“Basta, ginagamit ko ito kapag may mga kati-kati akong nararamdaman, at kahit kay Zia, ginagamit ko ito. Dahil hindi ko naman siya pinipigilang maglaro sa labas ng bahay namin. Sabi ko nga ‘huwag mahiya kasi totoo ka’ kung gumagamit ka nito.”Gaya ng dati, natanong na naman si Marian ng media kung kailan nila susundan ni Dingdong si Zia.

“Very soon,” nakangiting sagot ni Marian. “Basta kapag sure na, sasabihin ko hindi ko ililihim. Kahit si Zia laging sinasabi ‘I want a baby brother’.”

Nakakatuwa na dahil sa sinabi ni Marian na “very soon” ay marami ang nakapansin na mukhang iba ngayon ang aura ng aktres. Kung magbubuntis siya uli, sana nga raw ay baby boy na ang kasunod ni Zia.

Sinabi rin ni Marian na hindi muna siya gagawa ng teleserye sa ngayon.

“Nag-decide na kami ni Dong na mauna na siyang gumawa ng teleserye. Ayaw ko na kasing maulit iyong nangyaring ginawa ko ang Super Ma’am at si Dong, may ginawang movie. Madalas naiiwan naming mag-isa si Zia, awang-awa ako sa anak naming. Kaya ngayon, si Dong muna, saka na ako. Siguro next year na iyon. Mabait naman sa akin ang GMA Network at naiintindihan nila ako.

“Kahit ‘yung offer na movie sa akin para sana sa festival sa December, malamang hindi na rin tuloy, mukhang hindi na kami aabot sa deadline. Happy na ako na mayroon akong Tadhana every Saturday at kung Sunday live naman ako sa Sunday PinaSaya.

Tungkol sa pagkandidato ni Dingdong, sinabi ni Marian na hindi pa raw sila seryosong nag-uusap ng asawa, pero alam niyang tatakbo nga ito sa 2019 elections. Gayunman, ipapaubaya raw niya kay Dingdong ang announcements sa kung anuman ang pinal na plano nitio tungkol sa pulitika.

Biniro rin si Marian na type siyang makatambal ng nagbabalik-Kapuso na si Rayver Cruz, dahil bata pa raw ang huli ay pinapanood na nito si Marian sa Marimar.

“Sige, mag-showdown kami sa Sunday PinaSaya, dahil hindi ba mahusay siyang dancer? Welcome, Rayver!” mensahe ni Marian kay Rayver.

-NORA V. CALDERON