Matapos ideklara ang Alert Level 3 sa Libya dahil sa lumalalang tensiyon, naghahanda na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagpapatupad ng voluntary repatriation sa 3,500 Pilipino sa nasabing bansa.
Puspusan na ang pakikipag-ugnayan ng DFA sa Embahada ng Pilipinas sa Tripoli para sa posibleng paglilikas sa mga miyembro ng Filipino community bunsod ng tumitinding kaguluhan sa kabisera ng Libya. Naka-standby na ang rapid response team para umayuda sa paglilikas sa 1,800 Pilipino sa Tripoli.
Sa ilalim ng Alert Level 3, hinihikayat ang lahat ng overseas Filipino workers sa Libya na maghanda paglilikas, habang ang mga nagbabakasyon sa Pilipinas ay hindi na papayagang bumalik. Sa mga Pinoy sa Libya, tumawag sa PH Embassy sa Tripoli sa +218 91 824 4208 at +218 94 454 1283.
Ang kanilang mga kaanak sa Pilipinas ay maaaring kumontak sa Office of Migrant Workers Affairs sa (+632) 834-4996 at [email protected] tuwing office hours, at sa DFA Action Center +632 834-3333 o 834-4997 pagkatapos ng oras ng trabaho sa opisina.
-Bella Gamotea