Hinimok kahapon ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng Pilipino na nasa Libya na mag-ingat kasunod ng pagdedeklara ng state of emergency sa Tripoli dahil sa pagbabakbakan ng magkakalabang grupo na ikinamatay na ng marami.
Nanawagan ang Department of Foreign Affairs sa mga Pilipino, partikular na ang mga nasa Tripoli, na manatili sa loob at iwasan ang hindi impportanteng lakad dahil sa mainit na sitwasyon sa kabisera ng Libya.
Iniulat ng Philippine Embassy sa Tripoli na mayroong mga kaso ng panloloob, pagnanakaw, at iba pang krimen.
Ayon kay Chargé d’Affaires Mardomel Melicor, tinatayang 1,800 Pilipino ang nasa Tripoli at pinayuhan silang tiyakin na mayroon silang sapat na pagkain at inuming tubig sa loob ng ilang araw. “They should also prepare for disruptions in power supply and internet connectivity.”
Idinagdag niya na nananatiling nakahanda ang Embassy na tumugon sa anumang mga hiling na tulong mula sa Filipino Community.
Samantala, hinimok ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (ECMIP) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang mga mananampalataya na ipagdasal ang kaligtasan ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Libya.
“Let us always pray for their safety, there be peace in that place,” panawagan ni Santos, sa panayam ng Radio Veritas.
-Roy Mabasa, Bella Gamotea at Mary Ann Santiago