JAKARTA— Tulad nang naipangako, baon ni Jordan Clarkson sa kanyang pagbabalik sa Cleveland ang dominanteng panalo at ikalimang puwesto sa basketball competition ng 18th Asian Games sa Gelora Bung Karno Basketball Hall nitong Biyernes ng gabi.
Ibinuhos ng Pinoy ang ngitngit sa Syria, 109-55, sa pagtatapos ng classification round.
Tutulak pabalik sa Amerika para makasama sa training camp ng Cavaliers ang Fiil-Am NBA star at kipkip niya ang magkahalong saya at lungkot sa kinahitnan ng kampanya ng Team Philippines sa sports na pinakamalapit sa puso ng sambayanan.
Sa pangangasiwa ni replacement coach Yeng Guiao, nalagpasan ng ‘ragtag squad’ ang ikapitong puwesto na tinapos ng koponan noong 2014 Games sa Incheon, South Korea.
Hataw si Clarkson sa naiskor na 29 puntos, tampok ang 26 puntos sa first half kung saan umarya ang Pinoy sa 55-29 bentahe.
“It’s an honor representing my country in the Asian Games,” sambit ni Clarkson. “This is an unforgettable experience for me.”
Madalian ang pagbuo sa Nationals matapos magbago ng desisyon ang Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) hingil sa paglahok ng bansa, gayundin ang pagkaantala ng NBA na bigyan ng clearance na makalaro si Clarkson.
“We want him to return and play for us again as a member of our national team,” pahayag ni Guiao. “But there are some things to be considered, like schedules and the NBA.”
Iskor:
Philippines (109) — Clarkson 29, Standhardinger 27, Taulava 11, Pringle 10, Yap 9, Belga 6, Tiu 5, Erram 5, Ahanmisi 3, Dalistan 2, Norwood 2, Almazan 0.
Syria (55) — Aljabi 23, Bakar 9, Saddir 6, Alhamwi 6, Al Ghamian 6, Kasaballi 2, Al Osh 2, Khouri 0, Idelbi 0
Quarters: 38-16; 60-34; 91-44; 109-55