DEAR Inang Mahal,
Ako po ‘yung tipo ng tao, na gustong maayos ang lahat. Pero sa ngayon, tila ito ay imposibleng mangyari dahil masyado akong nai-stress sa rami ng mga gawaing bahay.
Hindi ako komportable sa makalat na paligid pero dahil sa pag-aalaga sa aming tatlong batang anak, ay hindi ko naaasikasong mabuti ang aking pamamahay, kasama na ang aking marriage. Paano po kaya ako magiging mabuting ina at asawa, na hindi masyadong nai-stress?
Cindy
Dear Cindy,
Lahat ng tao ay nakararanas ng sobrang pagod, paminsan-minsan, sa kanilang buhay. Ang susi para makayanan ito ay nasa sariling diskarte mo para ikaw ay mas ma-relax. Marami namang paraan para ma-relax ang isang tao, gaya ng yoga, ehersisyo, meditation, pakikinig ng musika, pagdarasal, pagbasa ng isang inspirational story, pakikipag -usap sa kaibigan, at marami pang iba.
Pero kung gusto mong ma-relax talaga, kailangan mong tanggapin ang realidad na ikaw ay hindi perpekto at hindi lahat ng bagay ay maayos, ayon sa gusto mo, sa lahat ng oras.
Alam mo, kahit bata pa ang iyong mga anak, sila ay nakauunawa na. Kausapin mo sila at ipaliwanag kung ano ang gusto mong gawin nila para hindi ka masyadong napapagod. Gumawa ka rin ng listahan kung ano ang prioridad mong gawin. Sa ganitong paraan, masisiguro mong hindi mo man nagagawa ang lahat ng bagay, naasikaso mo naman ‘yung mga importanteng gawain.
Ngayon, kung ang pagkakaroon ng kasambahay ang kasagutan para magawa mo ang dapat mong asikasuhin, kausapin mo ang iyong mister at himukin mo siyang kumuha kayo ng kaagapay mo sa mga gawaing-bahay. Sa bandang huli, piliin mong maging masaya sa iyong buhay, at tanggapin mo ang katotohanang imposible talagang maging perpekto ang lahat.
Nagmamahal,
Manay Gina
“The natural state of motherhood is unselfishness. When you become a mother, you are no longer the center of your own universe. You relinquish that position to your children.” --- Jessica Lange
Ipadala ang tanong sa : [email protected]
-Gina de Venecia