Binira ng Malacañang ang sinibak na board ng Nayong Pilipino Foundation (NPF) dahil sa tahasang pagsuway sa Pangulo matapos itong magbayad ng patalastas sa pahayagan at iginiit ang legalidad ng lease contract nito sa isang casino developer.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na napatunayan na ng Pangulo na may mali sa Nayon Landing project at tinututulan ang mga operasyon ng bagong casino sa bansa ngunit patuloy ang tahasang pagsuway ng NPF board sa kanyang desisyon.

“Nabasa ko po at medyo nababahala ako, parang ito po ay talagang pagsuway doon sa naging desisyon na ng Presidente,” ani Roque sa isang panayam sa radyo.

“Itong liham po na isinapubliko at ipinublish pa, hindi sa isa, kung hindi sa dalawang pahayagan, ito po ay open defiance na doon sa naging desisyon na ng Presidente. Mag-antay muna po silang maging Presidente, bago sila gagawa ng ganitong mga desisyon,” idinugtong niya.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ayon kay Roque, dapat ay tumalima ang mga opisyal ng NPF sa polisiya ng pamahalaan laban sa operasyon ng bagong casino, pinaalalahanan ang government appointees na nagsisilbi sila para sa Pangulo.

“Matapos magsalita ang Presidente na itong kontratang ito ay flawed, na ayaw na niya ang mga casino, eh dapat sumunod na talaga itong liderato ng Nayong Pilipino,” aniya.

Sa paid advertisement na inilathala sa mga pahayagan kahapon, idinepensa ni dating NPF chair Patricia Ocampo na “above board” ang Nayong Landing integrated project ng Landing International Development Ltd (LIDL), idinagdag na ang mga opisyal ng board ay mga biktima lamang ng smear campaign para idiskaril ang proyekto.

Sinabi ni Ocampo na ang kontrata, sa pagitan ng NPF at ng local subsidiary ng LIDL na Landing Resorts Philippines Development Corp., ay valid sa loob ng 25 taon, at hindi 70 taon, na may lease rate na P570 per square meter bawat buwan. Sinabi rin niya na ang lease project ay hindi nangangailangan ng public bidding sa ilalim ng batas.

“The lease of the Nayong Pilipino property is therefore absolutely legal,” aniya.

-GENALYN D. KABILING