KATULAD ng dati, nag-aaway na naman ang professor at ang estudyante. Ang propesor ay si Jose Ma. Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP), at ang estudyante ay si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Muling binira ng estudyante este ni PRRD ang dati niyang propesor na si Joma Sison, bunsod ng pahayag nito na comatose ang ating Pangulo
Ikinakalat kasi ni Joma ang “fake news” na si Mano Digong, na kasinglakas ng kabayo (ayon kay Harry Roque), ay nagkasakit matapos dumalo sa Lex Talionis affair sa Davao City kamakailan.
Sa kanyang pagsasalita sa 12th Anniversary ng Armed Forces Eastern Command, Camp Pantaleon, Davao City, ipinaliwanag ni PDu30 na kaya medyo maitim ang kanyang mukha ay dahil nabilad sa araw sa pagdalaw sa iba’t ibang kampo ng AFP at PNP.
Partikular kasing pinagtuunan ng pansin ni Sison ang “dark patch” sa mukha ni Pres. Rody na patunay na siya ay naka-coma at malapit nang mamatay. “Look at an ideologue. Look at what he is now. Instead of focusing on the betterment of the (communist) movement, he is saying things like my face looks burned. Whose skin would’nt darken? I am the only one who likes to roam the mountains?” badya ng Pangulo.
Totoo ang sinabi ni Mano Digong. Kumpara kay ex-PNoy, malayung-malayo siya sa dating Pangulo na hindi pa yata nakarating o nakapunta sa kabundukan, kung saan naroroon ang mga kampo ng mga sundalo at pulis. Kumpara kay ex-PNoy na hindi man lang sinalubong ang mga bangkay ng 44 SAF commando na pinatay na parang mga manok ng mga tulisan, MILF, BIFF at armadong grupo sa Mamasapano, Maguindanao, nang dumating ang mga ito sa Villamor Air Base, ang ating Pangulo ay laging nagpupunta sa burol ng namatay (hindi nasawi) na pulis o sundalo. Dinadalaw din niya ang mga sugatan at nagbibigay ng tulong-pananalapi, relo at cell phone.
Kapuri-puri ang pagkibo ngayon ni PRRD tungkol sa gusot sa West Philippine Sea (WPS). Tahasan niyang sinabi na sa halip na 60-40 deal o hatian sa joint oil exploration ng PH at China sa WPS, nais niyang higit pa rito ang dapat mapunta sa ‘Pinas. Very good, Mr. President.
Sa harap ng mga sundalo sa Eastern Mindanao Command sa Davao City noong Huwebes, sisikapin daw niya na makamit ang “sharing agreement more advantageous to the Philippines than the traditional 60-40 ratio.” Very good, Ginoong Pangulo.
Nangako si dating Pangulo at ngayon ay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na bibilisan ng Kamara ang pagtalakay sa impeachment complaint, na inihain ng apat na kongresista na kabilang sa “Magnificent 7”, laban sa pitong Mahistrado ng Supreme Court. Very good, Madame Speaker.
Ang tatlong senior SC justices na kasama sa shortlist ng Judicial Bar Council (JBC) ay pawang appointees ni dating Pangulong GMA. Sila ay sina Teresita Leonardo de Castro, Diosdado Peralta, at Lucas Bersamin.
Well, well, wala raw formalin ang ibinebentang GG (galunggong) sa mga pamilihan. Kinumpira ito ni Agriculture Sec. Manny Piñol batay sa test results sa mga isda. Dahil dito, sinabi ni Piñol na tuloy ang importasyon ng mga galunggong. Ako naman, hindi pa rin magpapabili sa aking ex-GF ng galunggong kahit paborito ko ito.
-Bert de Guzman