Naniniwala si Senador Grace Poe na hindi sapat ang P80,000 umento na ibibigay ng pamahalaan sa mga drayber, alinsunod na rin sa Jeepney Modernization Program.

Sinabi ni Poe na aalamin niya sa Department of Transportation (DOTr) kung paano ang gagawin nitong implementasyon para maipatupad ang nasabing programa.

“Kapag nag-budget hearing tayo tatanungin natin ang DOTr, alam n’yo ‘yung binibigay n’yong umento na P80,000 per driver parang kulang naman yata ‘yun. Ite-trade in ang sasakyan pero P80,000 lang ang kapalit,” sinabi ni Poe sa kanyang pagdalo sa Transport Summit sa Maynila.

Aniya, umaabot sa P1.2 milyon hanggang P1.8 milyon ang presyo ng mga modernong jeepney, kaya kulang talaga ang P80,000 bilang downpayment.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi pa niya na kapag nagkansela ng mga ruta, wala nang mapagkukunang panghulog ang mga driver.

“Unang-una hindi ako against modernization, pero dapat ayusin nila ang proseso para hindi naman mahirapan ‘yung mga driver. Halos 600,000 drivers ang apektado dito,” ani Poe.

Nagbabala pa si Poe na sakaling hindi maipaliwanag nang maayos ang programa, tiyak na magkakaroon ng problema ang budget ng DOTr sa kanilang pagdinig.

Aniya, sisilipin din ng Senado kung ano na ang nangyari sa Pantawid Pasada Program, dahil masyado na itong naaantala.

“Kailangan nating malaman paano ba ninyo ipinamamahagi ‘yung fuel vouchers na parang walang nakakatanggap,” ani Poe.

-Leonel M. Abasola