OBSERBASYON: Hindi ba ninyo napapansin na maraming Pinoy/Pinay ngayon, lalo na ang mga kabataan o millenial, ang nagte-text habang naglalakad o kaya’y nakikipag-usap sa cellphone? Delikado ito. Posibleng maaksidente, mahulog sa imburnal o masagasaan.
Hindi ba ninyo napupuna na maraming kabataang lalaki ngayon na ang hairdo o ayos ng buhok ay may pusod sa likod na parang Mongolian gayong hindi naman bagay sa kanila ang gayong gupit-kaayusan, hindi tulad ng mga celebrities---artista, basketball players, o sikat na personalidad-- na kanilang hinahangaan na kahit ano ang ayos ng buhok ay guwapo pa rin?
Bakit ang hindi nila gayahing hairdo o gupit ay ang katulad ng kina Coco Martin at Alden Richards na disente ang pagkakagupit at ayos, walang pusod sa likod at kaaya-ayang pagmasdan. Hoy, mga kabataang lalaki (millenial) ayusin ninyo ang mga sarili, huwag umuso lalo na kung hindi naman bagay ang ginagawa ninyong pag-uso.
Isang malaking kahihiyan hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo ang malaking kaabalahan na dulot ng pagsadsad sa runway ng isang eroplano mula sa China. Nakansela ang may 260 flights at na-stranded ang libu-libong pasahero na parang mga sardinas na nagsiksikan at naghintay sa paliparan.
Bakit tumagal ng halos dalawang araw bago natanggal ang Xiamen Airline na sumadsad sa NAIA? Wala bang kagamitan ang MIAA at CAAP para hatakin at tanggalin ang sumadsad na eroplano? Nakaaawa ang mga pasahero, lalo na ang mga bata at senior citizens, na bukod sa nabalam ang paglipad ay nagutom pa.
Matapos palutangin ang posibleng pagbibitiw bunsod ng frustration at pagkadismaya sa patuloy na kurapsiyon at paglaganap ng illegal drugs, nagpahayag ng paniniwala si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na ang isyu ng corruption “could make or break his administration.”
Bagamat inamin niya noong una na maaaring hindi siya magtagumpay nang ganap sa pagtabas sa kurapsiyon, nagbanta siya sa mga tauhan ng PNP na sangkot sa illegal activities na magkakaloob siya ng P5 milyon sa law enforcers na makapapatay sa mga gago nilang kasamahan o “ninja cops.” Saad ni PRRD: “You better shape up because I will rise and fall on the issue of corruption.” Inihayag niya ito sa Hugpong ng Pagbabago party convention sa Davao noong Biyernes.
Binira ni Vice President Leni Robredo si PDu30 nang sabihin ng Pangulo na ang Naga City ay pugad ng shabu o “hotbed of shabu.” Kasabay nito, nagpasa ang Naga City council ng isang resolusyon na nagpapahayag ng pagkagalit at tinawag ang remarks ni Mano Digong na “irresponsible.”
Malaking insulto raw sa mga taga-Naga ang pahayag ng Pangulo, ayon kay beautiful Leni. Hinamon niya ang Pangulo na kung galit ito sa kanya, siya na lang ang tirahin at huwag idamay ang mamamayan ng Naga City. Ang kanyang ginoo, si Jesse Robredo ay naging alkalde sa loob ng halos dalawang dekado sa lungsod. Si Jesse na noon ay Department of the Interior ang Local Government (DILG) secretary, ay namatay sa plane crash noong Agosto 2012.
-Bert de Guzman