SIMULA nang pumalaot ako sa larangan ng pamamahayag noong dekada ‘80, marami-rami na rin akong nakakuwentuhan at nakabolahan na mga aktibong pulitiko, at bihira lamang sa mga ito ang naramdaman kong may tunay na pagpapahalaga sa kanilang nasasakupan.
Hirap akong makipagplastikan sa mga pulitiko noon kaya “bumabad” ako sa police at defense beat at nagpakadalubhasa na lang sa pagsulat ng “crime & security stories” na siyang paborito ko.
Ngayong kolumnista na ako, bihira pa rin akong magsulat ng hinggil sa pulitika. Hinahanap ko pa rin kasi ‘yung mga pulitiko na ramdam kong may tunay na pagmamahal sa kanilang nasasakupan. Sila ang gusto kong kakuwentuhan at gawan ng artikulo -- ang problema, naubos na yata ang lahi nila!
Noong Linggo ng umaga, bago magsimula ang news forum na Balitaan sa Maynila, na ginaganap tuwing Linggo sa Bean Belt Coffee sa Dapitan street sa Sampaloc, at isa ako sa moderator -- ‘di ko inaasahang may makakaharap ako na hinahanap kong uri ng pulitiko.
Napagkuwentuhan namin ang pangunahing problema sa kanyang bayan – ang bahang palagi na lamang nakaumang ang perwisyong idudulot -- sa tirahan ng kanyang mga nasasakupang nakatira sa mababang lugar.
Aminado siyang mahirap malunasan ang problema sa baha ng kanyang bayan, dahil sa natural na pagiging “valley” nito -- isang kapatagan na napapagitnaan ng dalawang matataas na lugar na karaniwan nang unang pinoponduhan ng tubig (catch basin) na dala nang malakas na ulan.
Noong dekada ‘80, nalunasan ang problema sa baha ng mga lugar na ito nang matapos ang Manggahan Floodway. Ang sobrang tubig-ulan, sa halip na umapaw at umagos sa mababang lugar, ay ginigiya ng floodway patungo sa Laguna Lake upang doon mapondo, bago ilalabas patungo sa Manila Bay sa pamamagitan ng Pasig River.
Matagal ding pinakinabangan ng mga bayan sa paligid ng floodway ang naturang proyekto, hanggang sa gumawa ang Department of Public Works & Highways (DPWH) ng isang maluwag na tulay sa lugar, na tumatawid naman sa daluyan ng tubig na galing sa floodway, bilang solusyon sa lumalalang problema sa trapiko sa lugar!
At ito ang siste, sobrang nagtipid yata sa proyekto ang DPWH, kaya nabarahan ng halos kalahati ang dating maluwag na daluyan ng tubig – resulta, nabawasan ng malaking volume ang tubig na dapat sana ay umagos at maipondo sa Laguna Lake. Naiipon tuloy ang tubig sa mismong floodway, hanggang sa sumampa at umapaw sa buong kapaligiran, dahil sa walang patid na buhos ng ulan.
Sa kuwento ng kausap kong pulitiko, tatlong taon pa bago magka-UNDOY ay nakita na niya ang magiging problema – isa siyang ENGINEER kaya nasapol niya ito -- ‘di siya nag-aksaya ng panahon at agad “ikinonsulta” sa mga kinauukulan ang kanyang natuklasan, ngunit inabot na ito ng delubyong UNDOY ay ‘di pa rin nagawan ng paraan.
Isa ang problemang ito sa mga “nagtulak” sa kanyang tumakbo bilang representante ng kanilang bayan, at nang manalo ay personal na tinutukan niya ang DPWH upang trabahuhin ang problema, ngunit nanatiling nasa “drawing table” pa rin yata ang ipinangakong solusyon.
Ang balakid sa solusyon -- ang trapik na malilikha kapag giniba ang tulay upang malaparan ang kumipot na agusan ng tubig. Ayaw kumilos ng DPWH dahil baka nga naman sa kanila mapunta ang sisi at galit ng mga tao kapag lumitaw na ang problema sa trapiko, sa oras na umpisahan nila ang proyekto.
Para maumpisahan na ang proyekto, patuloy ang pangungulit sa DPWH ng pulitikong ito na “bayani” kung ituring sa bayan niya, na naging huwaran ng ibang Local Government Units (LGU) sa buong Metro Manila dahil sa kaayusan at kalinisan, noong siya pa ang mayor dito.
Malaki ang tama ng nagsabing “bayani” ang kausap ko -- dahil siya ay walang iba, kundi si dating Marikina Mayor at MMDA chairman Bayani Fernando. SALUDO!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].
-Dave M. Veridiano, E.E.