DEAR Inang Mahal,
Isang taon na ang nakaraan mula nang malaman kong nangaliwa ang aking mister. Minsan lang naman ‘yon nangyari, at nalaman ko ito, siyam na buwan makalipas niya itong ginawa. Sa loob ng panahong ‘yon, napansin ko ang malaking pagbabago ng asawa ko. Hindi na siya umiinom, naging mas mabuting ama sya sa aming dalawang anak at naging mas mabuting mister.
Mahal ko po siya, pero ako rin ‘yong tipong hindi mananatili sa isang kasal, dahil sa aming mga anak. Ang problema ko po: Hindi ko malimutan ang ginawa niyang pangangaliwa. Magkakilala na po kami mula pa nang ako ay 16 habang siya naman ay 17. Ngayon po ay nasa early 30s na kami. Araw-araw po ay naiisip ko ang sakit na dulot ng kanyang pangangaliwa. Palagay n’yo po ba ay nag-aaksaya lamang ako ng panahon sa aming pagsasama?
Reden
Dear Reden,
Ang pagiging tapat sa asawa ang pundasyon ng isang matatag na pagsasama. Nabanggit mo, na minsan nang nangaliwa ang iyong mister, na tanda ng pagtalikod niya sa inyong sinumpaan.
Gayunman, palagay ko’y hindi ka naman nag-aaksaya ng panahon, dahil tila pinagsisihan na ng iyong mister ang kanyang ginawa. Katunayan, nagsikap siyang ayusin ang kanyang sarili at pagandahin ang inyong pagsasama. Pero, sa ikapapayapa ng iyong loob, bakit hindi mo ipagtapat sa kanya ang iyong nalaman, upang mabigyan siya ng pagkakataong umamin at humingi ng kapatawaran sa kanyang ginawa. Kung gusto ninyong pareho na maging matatag ang inyong pagsasama, mahalaga na bukas ang inyong komunikasyon at walang inililihim sa isa’t-isa.
Nagmamahal,
Manay Gina
“Forgiveness is almost a selfish act because of its immense benefits to the one who forgives.” ---- Lawana Blackwell
Send questions to [email protected]
-Gina de Venecia